Ang patakarang pampubliko ay isang gabay na sang-ayon sa batas at mga panuntunang institusyonal para sa mga isinasagawang pagkilos ng sangay tagapagpaganap ng isang estado bilang tugon sa mga isyung hinaharap nito. Ang saligan nito ay binubuo ng mga pambansang konstitusyonal na batas. Pinapayagan din ng batas na masaklaw ang interpretasyon at mga regulasyon na maaaring ipataw ng hudikatura. Ang matibay na patakarang pampubliko ay kinakailangang solusyunan ang mga suliranin sa episyente at epektibong paraan, magbigay hustisya, sumuporta sa mga alituntunin at institusyong pampamahalaan, at manghikayat ng aktibong pagkamamamayan.
Sa pagpapakahulugan ng ibang mga iskolar, ito ay isang sistema ng "mga pamamaraan, mga hakbang pampamamalakad, mga batas, at mga priyoridad sa pondo ukol sa isang usapin na itinalaga ng pamahalaan o ng mga kinatawan nito." Ito ay karaniwang kinakatawan sa konstitusyon, mga batas, at mga desisyon ng hukuman.
Sa Estados Unidos, ito ay tumutukoy hindi lamang sa bunga ng mga patakaran kundi pati sa pagdedesisyon at pagsusuri sa mga desisyon ng pamahalaan. Bilang isang akademikong disiplina, ang patakarang pampubliko ay pinag-aaralan ng mga propesor at mga mag-aaral sa mga paaralan ng patakarang pampubliko ng mga pangunahing pamantasan sa bansa. Ang propesyonal na samahan ng mga nagsasapraktika, mga mananaliksik, mga iskolar, at mga mag-aaral ng patakarang pampubliko sa Estados Unidos ay ang Association for Public Policy Analysis and Management.