Ang Pangasiwaan ng Segurong Sosyal o Pangasiwaan ng Segurong Panlipunan, o Pangasiwaan ng Panlipunang Seguridad ng Estados Unidos, kilala sa Ingles bilang Social Security Administration (SSA)[2], ay isang nagsasariling ahensiya ng pamahalaang pederal ng Estados Unidos na nangangasiwa ng Segurong Sosyal, isang programa para sa segurong panlipunang binubuo ng mga benepisyo sa pagreretiro, disabilidad, at pangnakaligtas. Upang makatanggap ng ganitong mga benepisyo, karamihan sa mga manggagawang Amerikano ang nagbabayad ng mga buwis na pang-Segurong Sosyal sa kanilang mga kita; nakabatay ang panghinaharap na mga benepisyo sa mga kontribusyon ng mga empleyado.
Inilunsad ang Pangasiwaan ng Segurong Sosyal sa pamamagitan ng isang batas na kasalukuyang isinakodigo sa 42 U.S.C. § 901. Kasulukuyang komisyonero nito si Michael J. Astrue, na nanumpa noong 12 Pebrero 2007 at magtatapos ang anim na taong tagal ng termino sa 19 Enero 2013.
Nasa Woodlawn, Maryland, ang punong-tanggapan ng SSA, na nasa kanluran lamang ng Baltimore, na nasa nakikilala bilang Central Office o "Punong Tanggapan" (literal na "tanggapang sentral"). Binubuo ang ahensiya ng 10 opisinang pangrehiyon, 8 mga sentrong pamproseso, tinatayang mga 1,300 na mga opisinang sanga at nakakalat sa iba't ibang mga pook, at 37 mga Sentrong Teleserbisyo. Magmula 2007, nasa bandang 62,000 mga tao ang naghahanapbuhay para sa SSA.[3] Sa kasalukuyan, ang segurong sosyal ang pinakamalaking programa na pangkabutihang panlipunan sa Estados Unidos, na binubuo ng 37% ng gugulin ng pamahalaan at 7% ng GDP.[4]
Mga sanggunian
Mga kawing panlabas