Pandaigdigang Wikang Awksilyar

Ang isang pandaigdigang wikang awksilyar o internasyonal na wikang awksilyar (Ingles: international auxiliary language), kadalasang dinadaglat na IAL o auxlang, o interlengguwahe ay isang wika na ginawa para sa komunikasyon sa pagitan ng mga tao na nagmula sa magkakaibang nasyon na hindi pareho ang wikang taal. Ang wikang awksilyar ay kadalasang ikalawang wika. Ang mga wika ng mga dominanteng lipunan sa paglipas ng mga dantaon ay nagsilbi bílang mga wikang awksilyar, at ang mga iba pa nga ay halos umabot na sa internsyonal na level. Ang mga wikang Latin, wikang Griyego at ang Mediterranean Lingua Franca ay ginamit noon bílang mga wikang awksilyar.

Ang terminong "awksilyar" ay nagpapahiwatig na ginawa ito upang maging karagdagang wika para sa mga tao sa mundo, sa halip na pumalit sa kanilang mga katutubong wika.

Kasaysayan

Volapük

Pangunahing artikulo: Volapük

Ang Volapük, unang nilarawan sa isang artikulo noong 1879 ni Johann Martin Schleyer at sa isang libro sa sumunod na taon, ay ang unang nakatanggap ng malawak na internasyonal na komunidad ng mananalita. Tatlong pangunahing kumbensiyon ng Volapük ang dinaos noong 1884, 1887, at 1889. Nagsulat si André Cherpillod ng tungkol sa ikatlong kumbensiyon ng Volapük,

Gayumpaman, hindi nagtagal, ang komunidad ng mga mananalita ng Volapük ay nabuwag dahil sa iba't ibang sanhi kabílang na rito ang kontrobersiya sa pagitan ng Schleyer at iba pang prominenteng mananalita ng Volapük, at ang paglitaw ng mga bago at mas madalíng artipisyal na wika, ang Esperanto.

Esperanto

Pangunahing artikulo: Esperanto

Matapos ang pagsulpot ng Volapük, nagkaroon din ng iba-iba wikang awksilyar na nilikha at minungkahi noong 1880s haggang 1900s, ngunit wala maliba sa Esperanto ang nagkaroon ng malaking komunidad ng mananalita. Ang Esperanto ay binuo noong 1878 hanggang 1887, at sa wakas ay nilathala noong 1887, ni L. L. Zamenhof, bílang isang wikang skematiko kung saan ang mga pinag-ugatan ng mga salita ay nagmula sa mga wikang Romansa, Kanlurang Aleman at Slabiko. Ang naging susi sa relatibong tagumpay ng Esperanto ay marahil ang lubhang produktibo at elastikong sistema ng pormasyon ng mga salita nito, na naging dahilan upang makalikha ang mga tagagamit nito ng daan-daang iba pa ng salita mula lang sa pag-aaral ng iisang salitang-ugat. Gayundin, gumawa ang mga Esperantista ng kanilang sariling kultura, pilosopiya, at espiritwalidad, dahilan din upang magkaroon ng bagong pagkilos na nakatuon sa isang "sagradong layunin" (tingnan ang Finvenkismo).

Sa loong ng ilang taon, nagkaroon ang wikang ito ng libo-libong taal na mananalita, lalo na silangang Europa. Noong 1905 ang unang daigdigang kumbensiyon nito ay dinaos sa Boulogne-sur-Mer. Buhat noon, ang mga daigdigang kongreso ay dinaraos sa iba't ibang bansa taon-taon, maliban lang noong dalawang digmaang pandaigdig. Ang Esperanto ay naging "pinakamatagumpay na inimbentong wika kailanman" (Ingles: "the most outlandishly successful invented language ever") at ang pinakamalawak na sinasalitang artipisyal na internasyonal na wikang awksilyar.

Ido at ang mga Esperantido

Ang Delegation for the Adoption of an International Auxiliary Language ay itinatag noong 1900 ni Louis Couturat at iba pa; sinubukan nitong mapilit ang International Association of Academies upang magkuwestiyon ng isa pang internasyonal na wikang awksilyar, pag-aaralan ang mga umiiral na at pumili ng isa o gumawa ng panibago. Gayumpaman, dahil hindi pumayag ang meta-academy, ang Delegasyon na mismo ang gumawa nito. Sa mga mananalita ng Esperanto, may malaking impresyon na marahil ang pipiliin ng Delegasyon ay Esperanto, dahil ito lang ang auxlang na may kalakihan ang komunidad ng mananalita noong panahon iyon; ngunit nakaramdam ng halos pagtraydor ang mga mananalita ng Esperanto nang noong 1907, ang Delegasyon ang gumawa ng sarili nilang nirepormang bersiyon ng Esperanto, ang Ido. Maraming mananalita ng Esperanto ay naging mananalita na rin ng Ido, ngunit sa katagalan ang karamihan sa kanila ay bumalik din sa Esperanto o ang iba naman ay lumipat sa iba pang mga auxlang. Maliban sa Ido, nagkaroon din ng malaking bílang ng mga pinasimpleng Esperanto na tinawag na mga "Esperantido". Ngunit hanggang ngayon, kabílang pa rin ang Ido sa tatlong pinakasinasalitang auxlang.

Interlingua

Ang teorya ng Interlingua ay ang internasyonal na bokabularyo, isang malaking bílang ng salita at panlapi na makikita sa malawak na saklaw ng mga wika. Ang layunin ng International Auxiliary Language Association ay ilagay sa Interlingua ang lahat ng malawakang interasyonal na salita kahit kung saan mang wika ito umiiral.