Panahong Yamato

Ang panahong Yamato (大和時代, Yamato-jidai) ay ang panahon ng kasaysayan ng Hapon kung saan pinamumunuan ng korteng pang-Imperyo ang kung ano ngayon ang Prepektura ng Nara, na kilala noon bilang lalawigan ng Yamato.

Habang kumbensyunal na tinatalaga ang panahon mula sa 250 hanggang 710, na kasama ang parehong panahong Kofun (c. 250 –538) at ang panahong Asuka (538–710), pinagtatalunan ang aktuwal na simula ng pamamahala ng Yamato. Hinamon ang pangingibabaw ng korteng Yamato noong panahong Kofun ng iba pang mga kaayusang pampolitika na nakasentro sa iba't ibang bahagi ng Hapon. Tiyak lamang ang malaking pakinabang ng mga liping Yamato sa kanilang mga kalapit na lipi noong ika-6 na dantaon. Nahahati ang panahong ito sa paglipat ng kabisera sa Asuka, sa modernong Prepektura ng Nara. Gayunpaman, isang panahong pang-arkeolohiya ang panahong Kofun habang isang makasaysayang panahon ang panahong Asuka. Samakatuwid, marami ang nag-isip na luma itong dibisyon at hindi na naaangkop ang konseptong ito ng paghahati ng panahon.

Sa panahon ni Prinsipe Shōtoku noong unang bahagi ng ika-7 dantaon, isang bagong konstitusyon ang inatas para sa Hapon batay sa huwarang Tsino. Matapos ang pagbagsak ng Baekje (660 AD), nagpadala ang pamahalaang Yamato ng mga sugo nang direkta sa korteng Tsino, kung saan nakakuha sila ng malaking yamang pampilosopiya at panlipunang istrukturang Confucianismo. Bilang karagdagan sa etika at pamahalaan, pinagtibay din nila ang kalendaryong Tsino at marami sa mga gawaing panrelihiyon nito, kabilang ang Confucianismo at Taoismo (Hapones: Onmyo).

Pangkalahatang impormasyon ng lipunan at kultura ng Yamato

Yamato, noong ika-7 dantaon

Isang milenyo ang nakaraan, ang kapuluang Hapon ay pinaninirahan ng mga Jōmon. Sa mga siglo bago ang simula ng panahong Yamato, ipinakilala ang mga elemento ng mga kabihasnang Hilaga-silangang Asyano at Tsino sa kapuluang Hapon sa mga yugto ng migrasyon. Ayon sa Kojiki, ang pinakamatandang talaan ng Hapon, dumating si Amenohiboko, ang prinsipeng Koreano ng Silla, sa Hapon upang maglingkod sa Emperador ng Hapon at nanirahan siya sa Lalawigan ng Tajima. Ipinahihiwatig ng ebidensiyang arkeolohiko ang mga ugnayan sa pagitan ng kalupaang Tsina, Korea, at Hapon simula noong bago ang kasaysayan ng panahong Neolitiko, at ang pagpapatuloy nito kahit man lamang sa panahong Kofun.

Ang kulturang Yayoi na nagtatanim ng palay at nahati-hati sa pulitika ay maaaring umunlad sa bagong kulturang Hapones na nailalarawan ng mas sentralisado, patriyarkal, militaristikong panahong Kofun o naging dominado at kalaunan nasakop ng lipunang Yamato.

Sa panahong ito, kumalat din ang Hapones sa mga kapuluang Ryukyu tulad ng Okinawa. Malamang na naghiwalay sa panahon na ito ang mga wika Ryukyuano at Hapones

Panahong Kofun

Ang panahong Kofun (古墳時代, Kofun-jidai) ay isang panahon sa kasaysayan ng Hapon mula 250 hanggang 538. Ang salitang kofun ay Hapones para sa uri ng punsong libingan na nagmula sa panahong ito.

Sa panahong ito, nakatanggap si Baekje ng suportang militar mula sa Hapon. Ayon sa Samguk Sagi, ipinadala ni Haring Asin ng Baekje ang kanyang anak na si Jeonji sa Hapon noong 397 at ipinadala ni Haring Silseong ng Silla ang kanyang anak na si Misaheun sa Hapon noong 402 upang humingi ng tulong militar.

Mga imigrante sa unang bahagi ng kasaysayan ng Hapon

Ang Hapon sa panahong Kofun ay napakabukas sa impluwensya mula sa Tsina. Ang mga imigranteng Tsino at Koreano ay may mahalagang papel sa pagpapakilala ng mga elemento ng kulturang Tsino sa unang bahagi ng kasaysayan ng Hapon.

Kumakabit ang Yamato sa kalupaan, at pinagaan ng dinastiyang Liu Song noong 425 at 478 ang kaalamang pandagat at diplomatikong koneksyon ng Tsina at ang Tatlong Kaharian ng peninsula ng Korea, lalo na ang Baekje.

Maraming mahahalagang tao ay mga imigrante mula sa Silangang Asya. Opisyal na binago ng Korteng Pang-imperyo ng Yamato ang Shinsen Shōjiroku noong 815 bilang isang direktoryo ng mga aristokrata na naglilista ng 1182 pangalan ng mga angkan na nasa lugar ng Kinai, naglilista ito ng ilang mga angkan mula sa Kalupaang Asya.[1] Ayon sa direktoryo, 120 angkan ay may mga ugat sa Baekje, 48 angkan sa Goguryeo, 17 angkan sa Silla, 9 angkan sa Gaya at ang iba pang 174 angkan na "Kan (漢)" (na hindi na ginagamit ngayon na pangkalahatang katwagan para sa mga sinaunang Koreano) ng tangway ng Korea.

Ang mga Azumi ay isang mandirigmang lipi mula sa hilagang Kyushu.[2] Sanay silang mandaragat.[3] Naabot ng Azumi ang maagang pakikipag-ugnayan sa korteng Yamato at nagbigay ng mga koneksyon sa kalakalan sa dagat at nakaimpluwensya sa korteng Yamato sa aspetong militar at diplomatikong diskarte sa mga dagat.[3] Kaya ginamit sila ng pamahalaang pang-imperyo ng Hapon bilang kanilang puwersa ng dagat mula ika-3 hanggang ika-5 dantaon.[4][5] Itinuturing ng ilang eksperto ang Azumi bilang "ang pinakalumang kilalang puwersa sa dagat na umubong sa estadong pang-imperyo [ng Hapon]."[3] Naisip ng ilang mga mananalaysay na Hapon na Austronesyo ang pinagmulan nila at may kaugnayan sa mga Hayato na nakatira sa timog Kyushu.[6][3] Kinuwestiyon ng korteng Yamato ang kanilang katapatan at pinatalsik sila bago pa ang ika-7 dantaon.[7]

Panahong Asuka

Ang panahong Asuka (飛鳥時代, Asuka-jidai) ay karaniwang tinutukoy mula 538 hanggang 710. Nagmarka ang pagdating ng Budismo ng pagbabago sa lipunang Hapones at naapektuhan ang pamahalaang Yamato.

Ang estadong Yamato ay nagbago nang malaki sa panahong Asuka, na pinangalanan sa rehiyon ng Asuka, sa timog ng modernong Nara, ang lugar ng maraming pansamantalang kabiserang pang-imperyo na itinatag noong panahon na ito. Kilala ang panahong Asuka sa mga makabuluhang pagbabagong nitong artistiko, panlipunan, at pampulitika, na nagmula sa huling bahagi ng panahong Kofun .

Pagpapakilala ng Budismo

Opisyal na ipinakilala ang Budismong Mahāyāna sa Hapon noong 538.

Ayon sa Nihon Shoki, ang Budismong Mahāyāna (大乗仏教, Daijō Bukkyō) ay opisyal na ipinakilala sa korteng Yamato sa pamamagitan ng Baekje noong 552, habang malawak itong kinikilalang Budismo na ipinakilala noong 538 batay sa talambuhay ni Prinsipe Shōtoku (Jōgū Shōtoku Hōō Teisetsu) at sa talaang Gangō-ji (Gangōji Garan Engi).

Nagsimula lamang lumaganap ang Budismo pagkatapos na matalo si Mononobe no Moriya sa Labanan ng Shigisan noong 587 kung saan natalo at nadurog ang liping Mononobe, at hayagang hinikayat ni Emperatris Suiko ang pagtanggap ng Budismo sa lahat ng mga Hapones. Noong 607, upang makakuha ng mga kopya ng mga Sutra, isang embahadang pang-imperyo ang ipinadala sa dinastiyang Sui ng Tsina.

Korteng Pang-imperyo ng Yamato

Ang Korteng Pang-imperyo ng Yamato (大和朝廷, Yamato-Chōtei) ang naging pangalan dahil maraming kabisera ng palasyo sa katimugang bahagi ng Kapatagang Yamato sa Nara noong panahong Kofun at panahong Asuka. Ang panahong Asuka ay kilala sa mga makabuluhang pagbabagong artistiko, panlipunan, at pampulitika nito, na nagmula sa huling bahagi ng panahong Kofun.

Mga kaganapan

  • 538: Ang kaharian ng Korea ng Baekje ay nagpadala ng isang delegasyon upang ipakilala ang Budismo sa emperador ng Hapon
  • 593: Si Prinsipe Shōtoku ng lipng Soga ay namuno sa Hapon at nagtataguyod ng Budismo
  • 600: Ipinadala ni Prinsipe Shōtoku ang unang opisyal na misyon ng Hapon sa Tsina
  • 604: Nagpalabas si Prinsipe Shōtoku ng konstitusyon na istilong Tsino (Kenpo Jushichijo), batay sa mga prinsipyo ng Confucianismo, na de facto na nagpasinaya sa imperyong Hapon.
  • 605: Idineklara ni Prinsipe Shōtoku ang Budismo at Confucianismo bilang mga relihiyon ng estadong Hapon
  • 607: Itinayo ni Prinsipe Shōtoku ang templong Budista na Horyuji sa lambak ng Asuka
  • 645: Si Prinsipe Shōtoku ay hinalinhan ni Kotoku Tenno, na nagpalakas ng kapangyarihang pang-imperyo sa mga liping aristokratiko (Repormang Taika), na ginawang mga lalawigan ang kanilang mga estado
  • 663: Ang hukbong pandagat ng Yamato at ang mga kaalyadong puwersang Baekje ng Korea ay natalo ng mga puwersang pandagat ng dinastiyang Tang ng Tsina sa Labanan ng Baekgang

Mga sanggunian

Mga pagsipi

  1. "『新撰姓氏録』氏族一覧, transcribed by Kazuhide Kitagawa" (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2006-02-24. Nakuha noong 2006-02-24.
  2. Andriyenko, L (15 March 2011). "The Azumi Basin in Japan and Its Ancient People". Web Archive (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-12-31. Nakuha noong 18 Mayo 2020.
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 Rambelli, F (2018). The Sea and The Sacred in Japan (sa wikang Ingles). Camden: Bloomsbury Academic Publishing. pp. preface. ISBN 978-1350062870.
  4. Grapard, Allan G. (1993). The Protocol of the Gods: A Study of the Kasuga Cult in Japanese History (sa wikang Ingles). University of California Press. p. 32. ISBN 9780520910362. Nakuha noong 25 Mayo 2020.
  5. Palmer, E (2015). Harima Fudoki: A Record of Ancient Japan Reinterpreted, Translated, Annotated with Commentary (sa wikang Ingles). Leiden: Brill. p. 144. ISBN 978-9004269378.
  6. "蝦夷とアテルイ". masakawai.suppa.jp (sa wikang Hapones). Nakuha noong 2019-03-26.
  7. Joseph, Frank (2013). Unlocking the Prehistory of America (sa wikang Ingles). Rosen Publishing Group. p. 177. ISBN 978-1477728062. Nakuha noong 25 Mayo 2020.

Mga pinagmumulan