Ang pag-inat ay isang uri ng pisikal na pag-eehersisyo kung saan ang partikular na kalamnan o litid ay kusang binabaluktot o iniinat upang mapabuti ang pagkababanat ng mga ito at mapanatili ang mabuting kalagayan ng mga naturang kalamnan sa tuwing hindi ito ginagamit. Ang ganitong gawain ay magdudulot ng mga kalamnang malakas at handa sa kahit anong galaw ng katawan. Ang pag-iinat ay ginagamit din upang maibsan ang pagkakaroon ng pulikat.
Ang pag-iinat ay isang likas at karaniwang kilos ng tao at ng mga hayop. Ito ay maaaring sabayan ng paghikab. Karaniwang makikita ang pag-iinat sa paggising sa umaga, pagkatapos ng mahabang oras na hindi pagkilos, o paglabas sa masisikip na lugar.
Ang kakayahan ng katawan na bumaluktot sa pamamagitan ng pag-iinat ay isa sa mga pangunahing layunin ng pagpapalakas ng pangangatawan. Karaniwan itong ginagawa ng mga manlalaro o atleta bago at matapos ang kanilang pag-eehersisyo upang maiwasan ang maaaring maging pinsala at upang maging mas epektibo ang kanilang pagsasanay.
Ang pag-iinat ay maaaring makapinsala kung mali ang pagkakagawa. Napakaraming pamamaraan ng pag-iinat, depende sa kung anong kalamnan ang nais banatin. May mga pag-iinat na hindi epektibo o nakasasama, gaya ng pagkakaroon ng punit sa kalamnan, malubhang paggalaw ng mga laman, pagkawala ng balanse o pangmatagalang pinsala sa mga litid at kalamnan. Ang mga teoriya o paliwanag ukol sa maaring epekto ng iba't ibang uri ng pag-iinat ay hanggang sa ngayon ay pinagtutuunan ng masusing pag-aaral.