Ang Museo ng Porsche ay isang museo ng mga kotse sa Stuttgart ng kompanyang tagagawa ng kotseng Porsche. Matatagpuan ito sa Porsche-Platz sa bayan ng Stuttgart-Zuffenhausen. Binuksan ang museo noong 2009.
Ang bagong museo
Nakatayo ang bagong museo ng Porsche sa isang panulukan o kantong nasa labas lamang ng Punong-Himpilan ng Porsche sa Zuffenhausen. Sumasaklaw sa 5,600 metro kuwadrado ang pook pangtanghalan nito na nagtatanghal na may mga 80 pagtatanghal, na karamihang mga pambihirang mga kotse at isang sari-saring pangkat ng mga modelong makasaysayan. Opisyal na nagbukas ang museo noong ika-31 ng Enero, 2009 at nananatiling bukas upang mapuntahan mula Martes hanggang Linggo, mula ika-9 ng umaga hanggang ika-6 ng gabi. Sumisingil ng halagang 8 mga euro upang makapasok (4 na mga euro ang isang tao, ngunit walang bayad ang mga batang hindi lalampas sa 14 na taong gulang kapag may kasamang isang taong nasa hustong gulang na). Dinisenyo ang museo ng mga arkitekto ng Delugan Meissl. Ibinatay ang diwa o konsepto ng disenyo mula sa isang modelo ni HG Merz na naging kalahok din sa paggawa ng Museo ng Mercedes Benz, isang museong tumanggap din ng karangalan.[1]
Pagtatayo
Ang orihinal na Museo ng Porsche ay nagbukas noong 1976 sa isang panggilid na kalsadang malapit sa pabrika ng Porsche. Maliit lamang ito na may maliit na espasyong mapagpaparadahan ng sasakyan at sapat lamang ang laki upang makapaglagak ng mga 20 bagay na itatanghal (na pinagpapalit-palit). Itinayo ng Porsche ang museo bilang isang uri ng "gumugulong na museo" na may nagpapalitang mga pagtatanghal mula sa nakatabing 300 mga kinumpuning mga kotse, na karamihang nasa orihinal na kalagayan at namamaneho pa. Orihinal na nagkaroon ng usapan na itatayo ang bagong museong kasama ng isang Museo ng Mercedes-Benz sa isang dating lupaing pangkalakalan sa loob ng Killesberg ng Stuttgart.[1]. Pagkaraang magbukas ang bagong Museo ng Mercedes-Benz sa silangan ng Stuttgart noong 2006, nagpatuloy ang Porsche sa planong itaas ang uri at dugtungan ang museo nito sa hilagang distrito ng Zuffenhausen na katabi ng punong-himpilan ng kompanya. Orihinal na nakatalaga ang halaga ng mga gugulin sa 60 milyong euro subalit ilang araw bago sumapit ang seremonya ng pagbubukas noong ika-29 ng Enero, 2009, natiyak na ang talagang naging gastos ay umabot sa 100 milyong euro[2].
Mga larawan
Porsche 360 Cisitalia na minamaneho ng apat na gulong (1947)
Porsche 356 Nr. 1 Roadster (1948)
Porsche Typ 804, Formula 1, kotseng pangarera (1962)