Ang Midnight Memories ay ang ikatlong studio album ng pop na bandang Ingles-Irlandes na One Direction, na nakatakdang ilabas sa ika-25 ng Nobyembre 2013 ng Sony Music Entertainment. Inilarawan ng banda ang album bilang edgier at nagtataglay ng tonong slightly rockier kaysa sa mga nagdaang album nila.[1]
Komposisyon
Sinasabing iba ang Midnight Memories kaysa sa unang dalawang album. Kinumpirma ng kasaping si Liam Payne na ito ay "rockier, edgier, at mas personal" kaysa sa naunang dalawang album. Inamin naman ng kanyang kasamahang si Niall Horan na isang bagong tunog ito para sa banda.[1]
Pagtataguyod
Mga Isahang Awit
Ang punong isahang awit (lead single) ng album, ang "Best Song Ever", ay inilabas noong ika-22 ng Hulyo 2013 ng Syco at Columbia. Ang bidyo-awit nito ang nakatalo sa rekord ng Vevo para sa may pinakamaraming nanood sa loob ng 24 na oras sa YouTube, na nagtala ng 12.3 milyong panonood, na dating hawak ng bidyong "We Can't Stop" ni Miley Cyrus, na nagtala naman noon ng 10.7 milyong panonood sa loob ng 24 na oras.[2] Inanunsiyo naman na ang "Story of My Life" ang magiging susunod na isahang awit (single) sa parating na album na ito.
Paglalakbay
Mayroon ding parating na stadium tour ang banda, ang "Where We Are Tour", na nakatakdang simulan sa Abril 2014, kung saan makikita ang One Direction na magtatanghal ng kanilang mga unang konsiyerto sa Latin Amerika, kasama rin ang mga petsa para sa Nagkakaisang Kaharian/Irlanda at sa mga bansa sa Europa.[1]
Talaan ng mga Awitin
Ang talaan ng mga awitin (track list) ay inanunsiyo sa pamamagitan ng opisyal na akawnt sa Twitter ng One Direction noong ika-11 ng Oktubre 2013.[3][4]