Si Lorenzo Martinez Tañada (10 Agosto 1898 – 28 Mayo 1992) ay isang politikong Pilipino. Nahalal siya sa Senado ng Pilipinas noong 1947. Siya ang senador na nagsilbi ng may pinakamahabang panahon sa Kasaysayan ng Pilipinas. Nanungkulan siya bilang isang senador sa loob ng 24 mga taon.[1][2]
Mga unang taon sa buhay ni Tañada
Ipinanganak si Tañada sa Gumaca, Quezon. Pinamahalaan ng mga pilosopiyang tinimo sa kanya ng kanyang ina ang mga gawain ni Tañada sa buhay. Ang pariralang "takot sa Diyos ang simula ng karunungan" ang gumabay sa kaniya sa kaniyang mga pakikipag-ugnayang panglipunan. Bilang isang estudyante sa elementarya sa Atimonan, Quezon, sumali si Tañada sa isang protesta laban sa kaniyang Amerikanong prinsipal. Isang utos ng prinsipal na ito na manuluyan ang mga kabataang mag-aaral sa eskwela sa araw ng Sabado at Linggo para buuin ang isang palaruan ang pinagmulan ng protesta. Dahil sa utos na ito, hindi nakauwi ang mga mag-aaral sa kanilang mga bahay para makapiling ang kanilang mga magulang. Sa kapanahunan ng kaniyang pagiging isang estudyante ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas (U.P.), naging isang major si Tañada para sa Reserved Officer’s Training Course (ROTC), isang pangunahing aktor sa mga tanghalan, at isang manlalaro ng futbol bilang goalkeeper, para sa pambansang koponan. Noong panahon ng kaniyang pagiging estudyante sa kolehiyo, sa araw ng Armistice (o Armistice Day), nang hikayatin ni Tañada ang kaniyang mga kapwa-kadete seryosohin ang kanilang mga pagsasanay dahil sa maaaring magamit nila ang mga kaalamang ito laban sa mga Amerikano kung ipagmamaramot ang kalayaan ng Pilipinas.[2]
Sa larangan ng politika
Sinasabing isang taong laban sa katiwalian, makabayan, at tagapagtaguyod ng maraming mga adhikain si Tañada. Bukod sa pagiging masigasig na nasyonalista, ibinibilang din si Tañada sa mga namumuno sa tinatawag na "parlyamento ng kalye". Mayroon siyang di-matinag na tayo laban sa mga katiwalian at korupsiyon, kawalan ng pagkakapantay, at diktatura. Naging punong-taga-usig din si Tañada laban sa mga taksil na nakipagsabwatan sa mga Hapon. Dahil sa kaniyang reputasyon sa politika, naging isang Pilipino hinahangaan ng lahat ng bahagi ng lipunang Pilipino si Tañada, isang taong iginagalang ng Partidong Komunista ng Pilipinas at ng Reform the Armed Forces Movement, at isang taong pinaniniwalang may prinsipyo sa buhay maging ni Benigno Aquino, Sr. na inakusahan minsan ni
Tañada na isa sa mga taksil na mananabwat.[2]
Matagal na laban si Tañada sa gawain nito sa Pilipinas. Siya ang nagbunsod ng Koalisyon Laban sa mga Base-Militar ng Estados Unidos at ng ibang mga grupo na humikayat sa suportang pampubliko laban sa presensiya ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas. Karaniwang tinatawag si
Lorenzo Tañada “magiting na matandang lalaki sa larangan ng politika ng Pilipinas” dahil sa kaniyang reputasyon bilang isang pangunahing nasyonalista ng Pilipinas. Isa siyang karaniwang moog noong panahon ng Martial law ni Ferdinand Marcos, na makikitang nangunguna sa mga demonstrasyon at rally. Isang masigasig na aktibista laban sa mga base militar ng Estados Unidos si Tañada noong panahon ng pagkapangulo ni Corazon Aquino, at tutol din siya sa pagkakaroon ng plantang nukleyar sa Pilipinas.[2]
Noong 16 Setyembre 1991, tumanggap si Tañada ng maigting na palakpakan (standing ovation) mula sa Senado ng Pilipinas matapos na hindi payagan ang bagong kasunduan para sa base na pang-hukbong pangkaragatan ng mga Amerikano sa baybayin ng Subic, ang pinakahuling himpilan ng mga Amerikanong militar sa Pilipinas.[2]
Mga huling taon sa buhay ni Tañada
Namatay si Tañada noong 1992, habang dinadala sa paggamutan, sa gulang na 93. Ilang araw bago ang kaniyang kamatayan, napasailalim na si Tañada sa paglilinis ng bato (kidney dialysis). Naiwan ni Tañada ang kaniyang asawang si Expedita Tañada at siyam na mga anak, kabilang ang senador ng Pilipinas na si Wigberto Tañada.[1]
Mga sanggunian
- ↑ 1.0 1.1 Lorenzo Tanada, Politikong Pilipino, 93, Archives, The New York Times at NYTimes.com, 29 Mayo 1992, isinangguni noong: 9 Hulyo 2007
- ↑ 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 Acosta, Abraham Rey Montecillo. “Super Lolo”, A Review of The Odyssey of Lorenzo M. Tañada by Agnes G. Bailen (Isang Pagbabalik Tanaw sa Odyssey ni Lorenzo M. Tañada ni Agnes G. Bailen), UP Press (Palimbagan ng UP), 1998 (paunawa: Si Agnes Bailen ay dating senior lecturer ng Departmento ng Agham Pampolitika ng UP); “Book Reviews” (Mga Pagtatalakay ng mga Aklat), the Philippine Collegian, 23 Nobyembre 1998; at LibraryLink.org, 2004, isinangguni noong: 9 Hulyo 2007