Liham ng pagtitiwala

Liham ng pagtitiwala para sa Embahador na Czechoslovak na si Juraj Nemeš sa Lithuania, na nilagdaan ni Pangulong Václav Havel.

Ang liham ng pagtitiwala (Ingles: letter of credence) o mga liham ng pagtitiwala (Ingles: letters of credence), na tinatawag ding liham ng mga katibayan (Ingles: credentials)[1][2], na sa makatuwid ay "mga liham ng katibayan ng pagtitiwala" o "liham ng pagsusugo", ay isang pormal na liham o sulat, na karaniwang ipinadadala ng isang ulo ng estado sa isa pang pinuno ng estado, na pormal na nagbibigay o nagkakaloob ng akreditasyong diplomatiko (pagbibigay ng kapangyarihang pangdiplomasya) sa isang pinangalanang indibidwal o tao na maging embahador ng nagpadalang bansa sa tumatanggap na bansa. Kabaligtaran nito ang liham ng pagpapabalik (Ingles: letter of recall). Ang mga liham na diplomatiko ay pangkalahatang nakasulat sa wikang Pranses (ang lingguwa prangka o "tunay na wika" ng diplomasya), maliban na lamang sa kung ang mga bansa ay gumagamit ng magkatulad na wikang opisyal.

Ang mga kredensiyal (Ingles: credentials) ay ang tawag sa mga liham na ibinibigay sa isang embahador ng kaniyang pinuno ng estado, at nakatuon sa pinuno ng estado ng pupuntahan niyang bansa. Dinadala ito ng mga embahador sa pinuno ng estadong kapupuntahan nila habang nagaganap ang isang pormal na seremonya ng mga kredensiyal, na pangkalahatang nangyayari kaagad kapag dumating na siya sa kaniyang bagong puwesto. Hangga't hindi nagaganap ang seremonya, hindi siya pormal na kinikilala ng pinuntahang bansa, at hindi siya opisyal na makagaganap bilang isang embahador. Ang mga sulat na ito ay tinatawag na "mga liham ng pagtitiwala" dahil hinihiling ng mga ito sa tumatanggap na puno ng estado na ibigay ang "buong pagtitiwala" sa kung ano ang sasabihin ng embahador sa ngalan ng kaniyang pamahalaan.[2]

Mga kahulugan

Ayon sa Merriam-Webster, ang isang liham ng pagtitiwala ay isang personal na dokumento o kasulatan na nagpapatunay o nagpapatotoo at nagbubunyag ng kapangyarihan ng isang ahenteng diplomatiko na gumanap para sa nagsusugong pamahalaan.[1] Ayon sa Encyclopædia Britannica, ang isang bagong embahador (pagkatapos ng isang agrément, o "pagsang-ayon" ng pinapalitang sugo) ay ipinadadala o isinusugo na mayroong dalang isang liham ng pagtitiwala na para sa kaniyang ulo ng estado para sa tatanggap na estado, kung saan ang liham ng pagtitiwala ay magsisilbing pagpapakilala ng embahador bilang kinatawan ng nagpapadalang ulo ng estado.[3]

Ayon sa Dictionary.com, ang liham ng pagtitiwala o mga liham ng pagtitiwala ay ang mga kredensiyal o mga katibayan ng isang diplomata o ibang mga kinatawan ng pamahalaan na para sa presentasyon o paghaharap sa bansa kung saan siya ipinadadala o isinusugo.[4]

Ayon sa The Free Dictionary by Farlex, ang liham ng pagtitiwala - sa larangan ng batas na internasyunal - ay isang nakasulat na instrumentong nakatuon para sa pinuno o punong mahistrado ng isang estado, sa pinuno o estado kung saan ipinadadala ang isang ministrong publiko, na nagpapatunay o nagpapatibay ng kaniyang pagkakatalaga sa tungkuling iyon, at ang pangkalahatang mga layunin ng kaniyang misyon, at humihiling na ang buong pagtitiwala at paniniwala ay maaaring ibigay sa kaniyang mga gagawin at sasabihin sa ngalan ng kaniyang hukuman o korte. Sinabi rin ng The Free Dictionary na ang kapag ang liham ng pagtitiwala ay ibinigay sa isang embahador, envoy (sugo o legado), o ministro na inakredita sa isang pinakamataas o pinakamakapangyarihang puno, ito ay nakatuon sa pinuno o estado kung kanino nakatalaga o nakasugo ang ministro. Sa kaso ng isang charge d'affaires, itinutuon ito ng sekretaryo o ministro ng estado na nangangasiwa ng departamento o kagawaran ng ugnayang panlabas sa ministro ng ugnayang panlabas ng pinagsusuguang pamahalaan.[5]

Paghaharap

Ang unang paggamit ng liham ng pagtitiwala ay noong ika-14 na daantaon.[1] Ang liham ng pagtitiwala ay personal na inihaharap (presentasyon) sa tumatanggap na ulo ng estado ng mga itinalagang embahador (ambassador-designate) sa pamamagitan ng isang pormal na seremonya. Ang liham ng pagtitiwala ay tinatawag ding mga kredensiyal o katibayan, at ang embahador ay sinasabing "naghaharap ng kaniyang mga katibayan" (presenting his/her credentials). Hangga't hindi tinatanggap ang kaniyang mga kredensiyal, ang itinalagang embahador ay hindi pormal na maluluklok sa kaniyang katayuang diplomatiko, kabilang na ang pagkakaroon ng imunidad na diplomatiko (literal na "kaligtasang pangdiplomasya"). Subalit, sa gawaing makatotohanan, halos lahat sila ay tinatanggap, dahil sa ang kapwa mga estado ay napag-usapan na sa paraang impormal bago pa man maganap ang seremonya at natalakay na ang anumang mga suliranin.

Sa mga demokrasyang parlamentaryo, ang mga ulo ng estado o ang kanilang mga representatibo o kinatawan ay tumatanggap o tumatanggi ng mga katibayang diplomatiko batay sa payo o hatol (umiiral na mga kautusan ng ulo ng estado) mula sa pamahalaan. Sa kadalasan, isang ministro ng isang pamahalaan o ng gabinete ay dadalo (na kasama ng) ulo ng estado sa aktuwal na seremonya, upang isagisag ang katunayan na ang pagtanggap ng mga katibayan ay nakabatay sa payo ng pamahalaan.

Kapag ang dalawang mga bansa ay nagpapanatili ng ugnayan na nasa antas ng chargé d'affaires (literal na "opisyal na nangagasiwa", na karaniwang pansamantala lamang), ang liham ng pagtitiwala ay isusulat ng isang ministro ng ugnayang panlabas ng nagpapadala o nagsusugong estado, at nakatukoy na para sa ministro ng ugnayang panlabas ng estadong tumatanggap. Ang chargé ay pormal ding maghaharap ng kaniyang mga kredensiyal sa ministro ng ugnayang panlabas.[6] Ang ulo ng estado ay hindi tinutukoy o pinaghaharapan ng mga kredensiyal, na sumasagisag sa mas mababang antas ng ugnayang diplomatiko sa pagitan ng dalawang mga bansa.

Mayroong mga alituntuning sinusunod hinggil sa paghaharap ng mga liham ng pagtitiwala ng Pinuno ng Misyong Diplomatiko (na hangga't hindi pa naghaharap ng mga kredensiyal ay tinatawag na Head of Mission-designate o itinalagang pinuno ng misyon) ang bawat bansa o organisasyong internasyunal na kinasasangkutan ng pagdating sa bansang pinagsuguan (kasama ang pagkuha ng visa), pagdating sa pamamagitan ng eroplano, paghaharap ng mga kopya ng mga kredensiyal ng Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary, presentasyon ng mga kredensiyal ng Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary. Ang mga impormasyong ito ay karaniwang ipinaaalam nang maaga sa Protokol na Diplomatiko ng Ministro ng Ugnayang Panlabas ng pupuntahang bansa, paggamit ng motorcade, at iba pa.[7] Kung pinahihintulutan, ang isang embahador na naghaharap ng liham ng pagtitiwala ay makapagbibigay ng ilang pananalita.[8]

Mga sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 letter of credence, letters of credence, Merriam-Webster
  2. 2.0 2.1 Glossary of Diplomatic Terms: Credentials, Letters of Credence, Letters of Recall, ediplomat.com
  3. Credentials, Encyclopædia Britannica
  4. Letters of credence, letter of credence, Dictionary.com
  5. LETTER OF CREDENCE, the Free Dictionary by Farlex
  6. U.S. Department of State (1897). Instructions to the Diplomatic Officers of the United States. Washington, DC. pp. 1–5.{{cite book}}: CS1 maint: location missing publisher (link)
  7. "Procedure for Presenting the Letters of Credence by the Head of Diplomatic Mission in Montenegro". Inarkibo mula sa orihinal noong 2017-06-01. Nakuha noong 2014-10-06.
  8. Speech at Presentation of Letter of Credence (By Chinese Embassy in India)