Langis ng niyog

Isang biniyak na niyog at isang bote ng langis ng niyog

Ang langis ng niyog (o taba ng niyog) ay isang nakakaing langis mula sa mga butil, laman, at gata ng niyog.[1] Sa mga 25 °C (77 °F) o mas malamig na temperatura, isa itong maputi at namuong taba, at sa mas mainit na klima, isa itong likidong langis na malinaw at malabnaw. Amoy-niyog ang mga di-repinadong baryante nito.[2] Ginagamit ang langis ng niyog bilang mantika sa pagluluto, at sa mga pang-industriyang aplikasyon para sa produksyon ng mga kosmetiko at deterhente.[1][2] Mayaman ang langis na ito sa mga asidong taba na may katamtamang kadena.[3]

Dahil mataas ang nilalamang puspos na taba nito, maraming awtoridad sa kalusugan ang nagrerekomenda na limitahan ang pagkonsumo nito bilang pagkain.[2][4][5]

Pagmamanupaktura

Maaaring makuha ang langis ng niyog sa dalawang uri ng proseso: basa o tuyo.[1] Mas simple (ngunit di-gaanong epektibo siguro), maaaring iprodyus ang langis sa pagpapainit ng laman sa kumukulong tubig o sa init ng araw o apoy.[6]

Prosesong basa

Tradisyonal na pagkuha ng langis (o lana) mula sa gata sa Pilipinas. Namumunga rin sa proseso ang latik na binubudburan sa mga Pilipinong panghimagas

Sa prosesong basa, ginagamit ang gata na kinuha mula sa hilaw na niyog sa halip na pinatuyong kopra. Naglilikha ang mga protina sa gata ng emulsyon ng langis at tubig.[7] Ang mas mahirap na hakbang ay ang paghihiwalay sa emulsyon upang mabawi ang langis. Dati, nagawa ito sa matagal na pagpapakulo, ngunit nagpoprodyus ito ng kupas na langis at hindi ekonomikal. Sa mga modernong pamamaraan, ginagamit ang mga sentripugo at mga paunang aplikasyon ng lamig, init, asido, asin, ensima, elektrolisis, shock wave, destilasyon sa singaw, o kombinasyon ng mga nabanggit. Kahit may mga iba't ibang baryasyon at teknolohiya sa prosesong basa, di-gaanong kabisa ang prosesong basa kumpara sa prosesong tuyo dahil mas mababa ng 10–15% ang nakukuhang langis mula sa prosesong basa, kahit kung isasaalang-alang ang nawawalang langis dahil sa pagkasira at peste sa prosesong tuyo. Kailangan din ng mga prosesong basa ang pamumuhunan sa kagamitan at enerhiya na magastos sa kapital at pagpapatakbo.[8]

Prosesong tuyo

Sa prosesong tuyo, kailangang tanggalin ang laman ng niyog at patuyuin sa apoy, araw, o sa mga tapayan upang makabuo ng kopra.[9] Pinipiga o tinutunaw ang kopra na gumagawa ng langis ng niyog at isang masa na maprotina at mahibla. Masyadong mababa ang kalidad ng masa para kainin ng mga tao. Sa halip nito, ipinapakain ito sa mga ruminante; walang proseso para makuha ang protina mula sa masa.

Mahalaga ang wastong pag-aani ng niyog (maaaring anihin ang niyog kapag 2 hanggang 20 buwan na ang edad nito) dahil may impluwensiya ito sa bisa ng paggawa ng langis. Mas mahirap gamitin ang kopra mula sa hilaw na prutas, at naglilikha ito ng nakabababang produkto na may mas mababang ani.[10]

Mga sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 "Coconut oil" [Langis ng niyog] (sa wikang Ingles). Transport Information Service, German Insurance Association, Berlin. 2015.
  2. 2.0 2.1 2.2 "Coconut Oil" [Langis ng Niyog] (sa wikang Ingles). The Nutrition Source, Harvard T.H. Chan School of Public Health, Boston. 2021.
  3. Marina, A. M.; Che Man, Y. B.; Amin, I. (2009-10-01). "Virgin coconut oil: emerging functional food oil" [Birheng langis ng niyog: umuusbong at kapaki-pakinabang na langis sa pagkain]. Trends in Food Science & Technology (sa wikang Ingles). 20 (10): 481–487. doi:10.1016/j.tifs.2009.06.003. ISSN 0924-2244.
  4. Sacks, Frank M.; Lichtenstein, Alice H.; Wu, Jason H.Y.; Appel, Lawrence J.; Creager, Mark A.; Kris-Etherton, Penny M.; Miller, Michael; Rimm, Eric B.; Rudel, Lawrence L.; Robinson, Jennifer G.; Stone, Neil J.; Van Horn, Linda V. (2017). "Dietary Fats and Cardiovascular Disease: A Presidential Advisory from the American Heart Association" [Mga Taba sa Diyeta at Sakit sa Puso: Isang Payo ng Pangulo mula sa Asosasyon ng Amerika sa Puso] (PDF). Circulation (sa wikang Ingles). 136 (3): e1–e23. doi:10.1161/CIR.0000000000000510. PMID 28620111. S2CID 367602.
  5. "Coconut oil 'as unhealthy as beef fat and butter'" [Langis ng niyog 'kasingsama sa kalusgan ng taba ng baka at mantikilya']. BBC News (sa wikang Ingles). Hunyo 16, 2017. Nakuha noong Hunyo 18, 2017.
  6. United States Department of the Army (2009). The Complete Guide to Edible Wild Plants [Ang Kumpletong Gabay sa Mga Nakakaing Halamang-Ligaw] (sa wikang Ingles). New York: Skyhorse Publishing. p. 44. ISBN 978-1-60239-692-0. OCLC 277203364.
  7. Umesh Patil, Soottawat Benjakul (Hulyo 13, 2018). "Coconut Milk and Coconut Oil: Their Manufacture Associated with Protein Functionality" [Gata at Langis ng Niyog: Ang Pagmamanupaktura Nito na May Kaugnayan sa Pag-aandar ng Protina]. Concise Reviews & Hypotheses in Food Science (sa wikang Ingles). 83 (8): 2019–2027. doi:10.1111/1750-3841.14223. PMID 30004125. S2CID 51617929.
  8. Grimwood et al., 1975, mga pa. 193–210.
  9. Grimwood, BE; Ashman F; Dendy DAV; Jarman CG; Little ECS; Timmins WH (1975). Coconut Palm Products – Their processing in developing countries [Mga Produkto ng Niyog – Pagpoproseso Nito sa Mga Umuunlad na Bansa] (sa wikang Ingles). Rome: FAO. pp. 49–56. ISBN 978-9251008539.
  10. Grimwood et al., 1975, pa. 29.