Kaya Kong Abutin Ang Langit

Ang Kaya Kong Abutin Ang Langit ay isang pelikula na pinagbidahan noong 1984 ni Maricel Soriano, Gina Alajar at William Martinez. Halos naiiba ang pelikulang ito dahil ang pangunahing tauhan ng kuwento ay isang bida na kontrabida. Ang pelikulang ito ay ang pinagmulan ng isa sa pinakasikat na linya sa pelikulang Pilipino na "Ayoko ng tinatapakan ako. Ayoko ng masikip, ayoko ng walang tubig, ayoko ng mabaho, ayoko ng walang pagkain, ayoko ng putik!"

Buod

Nagkakagulo ang mga tao sa tapat ng isang ilog habang kinukuha ng mga pulis ang bangkay ng isang babae. Ayon sa ayos ng babae, ay masasabing mayaman ito. Isa sa mga nakiki-osyoso ay si Nancy Rosales, siya ay lubhang nagulat dahil kilala nya ang babae sa ilog, si Clarisse Gardamonte. Binalikan ni Nancy ang lahat ng pangyayari sa kanyang isipan.

Si Clarissa Rosales ay ipinanganak sa buhay na puno ng kahirapan. Bata pa lamang siya, ay namulat na siya sa ganitong buhay at nagmamadali siya na takasan ito papunta sa marangyang buhay na naging mailap sa kanya. Habang siya ay lumalaki, siya ay naging lubhang malapit sa kanyang mayaman na ninong at ninang na si Ralph at Monina Gardamonte. Ang mayamang mag-asawa ay dating pinapasukan bilang security guard ng ama ni Clarissa na si Mang Dante. Namatay ang ama ni Clarissa nang sinagip niya ang buhay ni Monina mula sa mga magnanakaw. Dahil dito, nagkaroon ng malaking utang na loob ang mga Gardamonte sa pamilya ni Clarissa, kaya naman nagpasya ang mga ito na maging ninong at ninang ng noo'y bagong panganak na si Clarissa. Binigyan din ng trabaho sa pabrika ang kaniyang ina na si Naty upang magkaroon ito ng ikabubuhay. Dahil nasa trabaho si Naty at nagaaral pa ang kanyang ate na si Nancy, naiiwan si Clarissa sa piling ng kanyang ninong at ninang sa mansyon. Dahil dito, kahit na mahirap lamang siya, ay natitikman niya ang buhay mayaman at natatakasan niya ang katotohanan ng kanyang kalagayan sa kanilang tahanan. Dahil sa pagiging malapit ni Clarissa sa kanyang ninong at ninang, ay nagseselos na ang unica hija ng mga Gardamonte na si Therese. Sa pananaw naman ng kapatid ni Monina na si Nick, si Clarissa ay isang opurtunista. Hindi napapansin ni Clarissa na nagsisimula nang mapalayo siya sa kanyang sariling ina na si Naty at sa ate niyang si Nancy.

Si Clarissa ay may kababata na si James at alam niyang may pagtinggin ito sa kanya, kaya kahit wala siyang gusto rito ay pinaasa niya ito. Ginawa niya ito dahil batid niyang nag-aaral sa kolehiyo si James. Nakita niyang ito ang mag-aahon sa kanya sa hirap, ngunit nang nagkaroon ng problema si James sa kanyang matrikula dahil sa karamdaman ng ina nito, lumabas agad ang tunay na kulay ni Clarissa at iniwanan niya ito. Samantala, upang mapalapit ang loob ni Therese kay Clarissa ay tinulungan ni Clarissa na makilala ang binata na lihim na nagugustuhan ni Therese, si Daryll Revilla. Ayaw ni Monina kay Daryll dahil pabagsak na ang pamilya nito dahil sa isang eskandalo at mayroon itong negatibong reputasyon sa lipunan. Dahil sa pamimilit ng kanyang ninang at sa takot na mawala ang loob nito sa kanya ay ipinagtapat ni Clarissa na nagkikita pa rin ang dalawa. Sinugod sila ni Monina at pinaghiwalay, kaya galit na galit si Therese. Labis itong ikinasama ng loob ni Therese hanggang sa magkaroon ito ng malubhang karamdaman sanhi ng kanyang sakit sa puso. Napagdesisyunan ni Monina na dalhin ang anak sa ibang bansa upang doon ipagamot, ngunit ipinagpilitan pa rin ni Clarissa ang pagsama sa kanila. Isang araw, nagkaroon ng lihim na pag-aaway si Therese at Clarissa. Dala ng matinding galit ay inatake sa puso si Therese at nalaglag sa swimming pool, ngunit imbes na tulungan ay pinanood lang siyang malunod ni Clarissa.

Habang nagluluksa ang mag-asawa ay lalong kinuha ni Clarissa ang loob nila hanggang sa ginusto na nila na ampunin si Clarissa. Kinumbinsi ni Monina si Naty na ampunin si Clarissa upang maging tagapagmana ng kanilang kayamanan dahil raw sa ikabubuti naman ito ni Clarissa. Kahit mabigat sa kaniyang loob ay napapayag si Naty. Si Nancy lamang ang nakapapansin na ang ina pa nila ni Clarissa ang namamalimos ng pag-ibig sa sarili nitong anak. Ngayon si Clarissa Rosales ay si Clarisse Gardamonte, heredera ng mga Gardamonte. Tuluyan na rin na tinalikuran ni Clarissa ang kanyang pamilya. Lalong nabulag ng kayamanan si Clarissa hanggang umabot na sa sukdulan ang kanyang kasamaan. Nais niya na mag-isang makuha ang lahat ng kayamanan ng mga Gardamonte at magkaroon ng kalayaan na gawin ang anuman na kanyang naisin. Inalisan ni Clarissa ng preno ang kotse ng kanyang ninong at ninang habang nagbabakasyon ito sa Baguio at pinagmukha itong isang aksidente. Biglang napasakanya lahat ng ari-arian ng mga Gardamonte. Hindi nag-aksaya ng panahon si Clarissa at pinamanipula niya ang stocks ni Nick upang mula sa pagiging board member ay maging karaniwang empleyado na niya lamang ito upang patakbuhin ang kanyang mga negosyo. Ginamit rin niya agad si Daryll upang makakilala ng mga maiiimpluwensiyang tao sa lipunan at upang turuan siya sa bagong mundo na kanyang papasukin.

Samantala, nagkakamabutihan si Nancy at si James. Dati pang may gusto si Nancy kay James ngunit dahil umiikot ang mundo ni James kay Clarissa ay hindi siya nito napapansin. Ngunit nang lumabas na ang tunay na ugali ni Clarissa at iniwan siya nito, lalong napalapit si James kay Nancy, hanggang mag-desisyon ang dalawa na magpakasal. Nagkasakit ang kanyang ina na lalong lumubha dahil sa pangungulila sa kanya. Namatay ang ina ni Clarissa na hinahanap-hanap siya. Hindi maipaliwanag ni Clarissa ang kawalan na kanyang nararamdaman ngunit patuloy pa rin siyang naniniwala na ang yaman at kapangyarihan ang magbibigay sa kanya ng tunay na ligaya.

Dahil sa mapagmataas na ugali ni Clarissa ay nag-umpisa na siyang talikuran ng mga trabahador sa kanyang kompanya, dahilan ito upang unti-unting malugi ang kanyang mga negosyo. Sa makalawa ay kukunin na ng isang bangko ang kanyang kompanya. Napag-isipan ni Clarissa na makipagmabutihan sa may-ari ng bangko na si Jerome Recto. Hindi nabigo si Clarissa at naging nobya siya nito. Bulag ang binata sa pagbabalat-kayo ni Clarissa. Sa isipan ni Clarissa, hindi lang niya maisasalba ang kanyang yaman, lalo pang lalaki ang kanyang ari-arian at impluwensya sa lipunan. Kahit nagtapat sa kanya ng pag-ibig si Daryll, ay hindi niya ito pinansin. Walang pera si Daryll tulad ng kay Jerome kaya hindi kayang ibigin si Daryll. Para sa kanya, isa lamang gamit na naubusan na ng silbi si Daryll. Tinakot ni Daryll si Clarissa na magpapakamatay ito kung hindi siya nito iibigin ngunit imbes na pigilan ay lalo pa niya itong inupatan, kaya tinuloy ni Daryll ang pagpapatiwakal.

Sa araw ng kanilang kasal ay hindi dumating si Jerome. Nagpadala ng isang voice recording si Nick na lihim niyang ipina-record habang nag-uusap si Clarissa at ang abogado nito upang tuluyang sirain si Clarissa. Nalaman ni Jerome at pamilya nito ang tunay na intensiyon ni Clarissa sa pagpapakasal sa kanya. Naging katatawanan ng alta sociedad si Clarissa. Kasabay nito ang pagbulusok ng kanyang negosyo at pagdami ng kanyang mga utang. Kinuha ng bangko ang kanyang mansyon at lahat ng minanang ari-arian. Tuluyang bumagsak ang negosyo ni Clarissa habang nagtayo ng isang bagong kompanya si Nick at ang kanyang mga kakampi na sila ang nagmamay-ari.

Nawala kay Clarissa lahat ng kanyang kayamanan. Doon niya biglang naalala ang mga kaibigan sa alta sociedad upang hingan ng tulong ngunit tinalikuran siya ng mga taong kanyang inaakalang kaibigan sa lipunang dati niyang kinabibilangan. Nagtungo siya sa kanyang kapatid, ngunit ipinamukha nito sa kanya ang poot na kinikimkim nito sa napakahabang panahon. Madilim ang buhay ni Clarissa. Hinangad niya ang lahat lahat ngunit sa kalaunan ay walang natira sa kanya. Doon niya napagtanto na hindi sa dami ng kayamanan at kapangyarihan nasusukat ang kaligayahan sa buhay, ngunit huli na ang lahat. Naubos na ang lahat ng kanyang pag-asa at nagdesisyon na tumalon sa tulay papunta sa madilim na ilog sa ibaba.

Kinabukasan, nagkakagulo ang mga tao sa tapat ng isang ilog habang kinukuha ng mga pulis ang bangkay ng isang babae. Tahimik si Nancy habang kinukuha ang katawan ng kanyang dating kapatid. Sa kanyang isipan, siya na ang humingi ng kapatawaran sa Diyos para kay Clarissa dahil alam niya na di ito nagsisisi sa kanyang mga ginawa. Dinala palayo ng ambulansya ang bangkay ni Clarissa tungo sa morge kasabay ang tahimik na pagtalikod ni Nancy papalayo.