Si Jose R. Velasco (4 Pebrero 1916 — 24 Enero 2007) ay isang Pilipinong siyentipiko sa pisyolohistang panghalaman at kimiko sa agrikulturang kilala sa kaniyang pananaliksik hinggil sa lupa, nutrisyon ng mga halaman, at mga karamdaman ng buko. Nadiskubre niya ang panlaban sa kadang-kadang, isang peste ng mga niyog. Kinilala siya sa kanyang pag-aaral ukol sa kabuuan ng halaman (plant physiologist) at nutrisyon ng lupa. Kabilang sa kanyang pag-aaral ay ang iba't ibang uri ng produkto na galing sa niyog. Noong 1998, pinarangalan siya bilang Pambansang Syentipiko ng Pilipinas.
Si Jose, katulad ni Jose Rizal ay mas kilala sa katawagang "Pepe". Isinilang noong 4 Pebrero 1916. Ang kanyang tatay ay nakapagtrabaho bilang sibilyan sa U.S. Army sa Maynila. Ang kanyang ina ay simpleng maybahay.
Nakapagtapos si Pepe ng elementarya sa Mababang Paaralan ng Imus. Dahil na rin sa hikahos at hirap sa buhay, nag-aral lamang si Pepe sa Philippine School of Commerce (isang Vocational High School). Dito niya nakuha ang mga talentong maaari kaagad magamit upang maagang makapagtrabaho.
Ilan sa mga talentong ito ay ang pagmamakinilya (typing) at short hand (isang uri ng pagsusulat gamit ang maiikling guhit kapalit ng mahahabang salita). Ngunit halos bumagsak siya sa kanyang mga leksiyon kung kaya't nai-suggest ng kanyang ama na lumipat sa isang pang-agrikulturang paaralan.
Sa Central Luzon State University (CLSU) siya natuto ng tungkol sa mga palay. Matiyaga siyang nag-aral at nagsumikap sa kabila ng mahahabang oras sa ilalim ng mainit na sikat ng araw ng Nueva Ecija. Nakapagtapos siyang salutatorian lamang dahil sa kakulangan ng "residency."
Dala ang kanyang diploma, kaunting naipon at scholarship para sa mga top high school graduates, nagdesisyon siyang mag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas Kolehiyo ng Agrikultura (UPCA) sa Los Baños, Laguna. Pinili niyang pagaralan ang Mathematics at Chemistry. Cum Laude siya nang magtapos ng kursong Bachelor of Science in Agricultural Chemistry noong 1940.
Kasalukuyan siyang nagtratrabaho sa UPCA nang siya ay maipadala sa University of California sa Berkeley para sa lalo pang pag-aaral (Doctor of Philosophy in Plant Physiology) na natapos niya ng tatlong taon lamang, (1946-1949). Iba't ibang mahahalagang posisyon ang hinawakan ni Dr. Velasco sa UPCA research professor, director of instruction, chairman of the Department of Botany, at editor ng Philippine Agriculturist (ang scientific journal ng kolehiyo). Ipinagpatuloy pa niya ang pagtuturo sa Diliman campus ng UP bago niya tinanggap ang pagiging Komisyoner ng National Institute of Science and Technology (NIST), taong 1967. Ang isa sa pinakamahalagang kontribusyon ni Dr. Velasco sa siyensiya ay ang kanyang pag-aaral sa paraan ng paglaki ng halaman at ang iba't ibang gawain ng bawat bahagi nito. Pinag-aralan niya ang epekto ng liwanag sa halamang palay (photoperiodism). Ayon sa kanyang pag-aaral, ang Elonelon na uri ng palay ay mas namumulaklak tuwing mas maikli ang pagsikat ng araw (kulang sa 12 oras). Sa kasawiang palad, hindi ito nailathala bago pa naidokumento ng mga Amerikano at Europeans ang kanilang parehong pananaliksik.
Isa pa sa kanyang maipagmamalaki ay ang pagkakadiskubre niya sa mapamuksang Cadang-cadang, ang kilalang isa sa pinakapesteng mamamatay ng punong niyog. Ang Cadang-cadang ay isang klase ng peste kung saan ang dahon ng punong niyog ay nagsisimulang magkapatse-patse ng kulay dilaw na kung titingnan sa liwanag ng araw ay tila binabad sa tubig. Lumalaki ang mga pesteng ito hanggang lumiit at lumutong ang mga dahon. Dahil dito, hindi na gaanong makapamulaklak ang puno at hindi na makabuo ng niyog. Untiunting nauubos ang mga dahon, hanggang tuluyan na itong mamatay. Inakala ng marami na ang Cadang-cadang ay dala o sanhi ng isang uri ng virus o bacteria. Matiyaga niyang pinatunayan na mali ito. Ayon sa kanya, ang Cadang-cadang ay sanhi ng lupang may lason o toxic para sa punong niyog-isang abnormal na kondisyon ng lupa. Maraming pag-aaral na ng tungkol sa pareho ring problema ang nagsabing, ang sanhi nito ay virus, kakulangan ng nutrisyon o mababang klase ng lupa, physical stress, microorganisms, mahinang patubig, o maaaring parasites sa mga ugat ng puno. Ngunit hindi kontento si Dr. Velasquez hanggang hindi niya natitiyak. Pinagpatuloy niya ang kanyang pananaliksik at nananatili ang kanyang paniniwala na ang Cadang-cadang ay sanhi ng kakulangan ng isang mineral sa lupa, o may isang elemento, katulad ng aluminum o strontium sa lupang pinagkakataniman nito.
Ilan sa mga pagkilalang naibigay kay Dr. Velasquez ay
ang pagiging Colombo Plan Special Visitor sa Australia, 1970; UNESCO Exchange professor on Plant Physiology sa Universidad de la Havana, Cuba, 1972; Planters Products Achievement Award for Crop Science in the Field of Teaching, 1974; at PCCP Distinguished Award in Pest Management, 1974.
Sanggunian