Si Johann Strauss II (25 Oktubre 1825 – 3 Hunyo 1899; Aleman: Johann Baptist Strauß; kilala rin bilang Johann Baptist Strauss, Johann Strauss, Jr., o Johann Strauss na Nakababata) ay isang Austriyanong kompositor ng "magagaang" na tugtugin, partikular na ng mga musikang pangsayaw at mga opereta. Lumikha siya ng mahigit sa 500 mga komposisyong balse, polka, kuwadrilya, at iba pang mga uri ng tugtuging pangsayaw, pati na ilang mga opereta at baley. Sa kanyang buhay, nakilala siya bilang "Ang Hari ng Balse", at siyang malakihang naging dahilan ng pagsikat ng balse sa Vienna noong ika-19 daang taon.
Anak na lalaki si Strauss ni Johann Strauss I, isa pang kompositor ng pangsayaw na tugtugin. Hindi ninais ng kanyang amang maging isang kompositor si Strauss II, bagkus nais sana ng ama niyang maging isa isang bangkero. Hindi sinunod ni Strauss II ang ibig ng kanyang ama sa pamamagitan ng pag-aaral ng musika sa ilalim ng kompositor na si Joseph Drechsler, at ang pag-aaral sa pagtugtog ng biyolin sa ilalim ni Anton Kollmann ng Opera ng Korte ng Vienna. May dalawang mas nakababatang mga kapatid na lalaki si Strauss II, sina Josef at Eduard Strauss, na naging mga kompositor din ng musikang magaang, bagaman hindi sila naging kasingtanyag ng kanilang mas nakatatandang kapatid na lalaki.