Ang Jakarta (kilala rin Djakarta o DKI Jakarta), kilala noong bilang Sunda Kelapa, Jayakarta at Batavia ay ang kabisera at pinakamalaking koleksiyon ng mga lungsod sa Indonesia. Nasa Hilagang kanluran bahagi ng isla ng Java, ito ay may sukat na 661.52 km2 at may populasyon na 8,792,000 (2004)[2]. Ang Jakarta ay nagsimula mahigit 490 taon na ang nakalipas at kasalukuyang pang-siyam sa pinakamataong kalakhan sa mundo na may 44,283 kada milya kwadrado[3]. Ang metropolitan area nito ay tinatawag na Jabodetabek at mayroong 23 milyong katao, at bahagi pa ito ng mas malaking kalunsuran na Jakarta-Bandung.
Ang Jakarta ay hindi lungsod kundi isang lalawigan na may natatanging estado bilang kabisera ng Indonesia. Mayroon itong gobernador (imbes na alkalde), at nahahati sa ilang maliliit na rehiyon na mayroon kani-kanilang sariling mga sistemang pampahalaan. BIlang isang lalawigan, ang opisyal na pangalan ng Jakarta ay Daerah Khusus Ibukota Jakarta (Natatanging Kabiserang Lungsod Distrito ng Jakarta"), na pinapaikli ng mga Indonesyano bilang DKI Jakarta.
Nahahati ang Jakarta sa limang kota o kotamadya ("lungsod" - dating mga bayan), na bawat isa ay pinamumunuan ng isang alkalde, at ng isang rehensiya (kabupaten) na pinamumunuan ng isang regent. Noong Agosto 2007, ginanap ang kauna-unahang halalan panggobernador, kung saan ang gobernador ng lungsod ay dating itinatatalaga ng lokal na mga kinatawan. Ang halalan ay bahagi ng pambansang pagdedesentralisasyon, na nagpapahintulot ng direktang halalan sa ilang mga lugar.[4]