Hieron I ng Siracusa

Wangis ni Hieron I ng Siracusa (nasa kanan) mula sa isang barya.

Si Hieron I (Griyego: Ἱέρων), na nakikilala rin bilang Hiero I, Hiero I ng Siracusa at Hieron I ng Siracusa ay ang anak na lalaki ni Deinomenes na kapatid na lalaki ni Gelo at pinunong malupit at maniniil ng Siracusa ng Sicilia mula 478 hanggang 467 BK. Sa paghalili kay Gelon, nakipagsabwatan siya laban sa pangatlo niyang kapatid na lalaking si Polyzelos. Noong panahon ng kaniyang pamumuno, nadagdagan niya ng malaking kapangyarihan ang Siracusa. Tinanggal niya ang mga naninirahan sa Naxos at Catana at ipinadala sa Leontini, pinatauhan ang Catana (na pinalitan niya ang pangalan upang maging Aetna) ng mga Doriano, nakipagkasundo sa huli ng isang kaaniban (aliyansa) sa piling ng Acragas (Agrigentum o Agrigento) at iniharap ang layunin ng mga Locriano laban kay Anaxilas, ang pinunong maniniil ng Rhegium.

Ang pinakamahalagang niyang nagawang may kaugnayan sa militar ay ang pagkakatalo sa mga Etruskano at sa mga Carthaginiano sa Labanan sa Cumae (474 BK), kung kailan nasagip niya ang mga Griyego ng Campania mula sa pangingibabaw ng mga Etruskano. Isang kalubkob na yari sa tansong pula (na nasa Museo ng Britanya na ngayon), na mayroong panitik na umaalala sa kaganapan, ang inihandog sa Olympia.

Ang pamumuno ni Hieron I ay namarkahan ng paglikha ng unang lihim na pulisya sa kasaysayan ng Gresya, subalit isa siyang liberal na patron ng panitikan at ng kultura. Naging masigla ang mga makatang sina Simonides, Pindar, Bacchylides, Aeschylus, at Epicharmus sa kaniyang korte, pati na ang pilosopong si Xenophane (Xenophanes). Masigla siyang nakilahok sa paligsahang atletiko na panheleniko, kung kailan nagwagi siya ng ilang mga tagumpay sa karera na pang-isahang kabayo at pati na rin sa karera ng mga karuwaheng pandigma. Nanalo siya sa karera ng karuwaheng pandigma sa Delphi noong 470 (isang pananagumpay na ipinagbunya sa unang odang Pythiano ni Pindar) at nagwagi rin siya sa Olympia noong 468 (ang kaniyang pinakadakilang tagumpay ay inalala sa pangatlong oda ng tagumpay ni Bacchylides). Ang iba pang mga odang inialay sa kaniya ay kinabibilangan ng unang Odang Olimpiyano ni Pindar, sa kaniyang pangalawa at pangatlong odang Pythiano, sa ika-apat at ikalimang mga oda ng tagumpay ni Bacchylides.

Namatay si Hieron I sa Catana (Aetna) noong 467 at doon din siya inilibing, subalit ang kaniyang libingan ay nawasak pagdaka nang ang dating mga naninirahan sa Catana ay nagbalik sa lungsod. Nagtagal lamang ang pamumunong may panunupil at may kalupitan nang isang taon o mahigit pa pagkalipas ng kamatayan ni Hieron I.

Mga sanggunian

Mga kawing na panlabas

Nauna si:
Gelo
Maniniil ng Gela
485 BK – 478 BK
Sumunod si:
Polyzelos
Nauna si:
Gelo
Maniniil ng Siracusa
478 BK – 466 BK
Sumunod si:
Thrasybulus