Si Eugenio "Eugene" Torre (ipinanganak noong 4 Nobyembre 1951) ay isang pandaigdigang granmaestro sa larangan ng ahedres. Itinuturing siya bilang pinakamatibay na manlalaro ng ahedres mula sa Pilipinas noong mga dekada ng 1980 at ng 1990, pagkaraan ng mga kampeong sina Ramon Lontoc, Renato Naranja, Rodolfo Tan Cardoso, at ng namayapa nang si Rosendo Balinas, Jr noong kapanahunang Fischer. Sa kasalukuyan, si Wesley So ang pangunahing manlalaro ng ahedres ng Pilipinas.
Naging natatangi si Torre dahil sa pagiging unang manlalarong Asyanong nakakamit ng pamagat na Pandaigdigang Granmaestro. Nakakuha na kuwalipikasyon si Torre para sa Labanan ng mga Kandidato para sa Pandaigdigang Kampeonato ng Ahedres noong 1984. Sa paunang eksenang ito, naglalaban ang mga magkakatunggali upang malaman kung sino ang hahamon o lalaban sa kampeong pangdaigdig. Natanggal si Torre nang matalo siya ni Zoltan Ribli dahil sa puntos na 6-4.
Kaibigan si Torre ni Bobby Fischer. Naghahanapbuhay siya para sa pangkat ni Fischer noong panahon ng kanyang muling paglaban kay Boris Spassky noong 1992 sa Yugoslabya. Sa paglaon, nagkaroon si Torre ng mga panayam sa radyong Pilipino na kasama si Bobby Fischer. Patuloy na masiglang naglalaro si Torre para sa mga lokal at pandaigdigang mga turnamento.
Tampok na mga laro
Sa isang turnamento sa Maynila noong 1976, natalo ni Torre ang dating umiiral na kampeon ng pandaigdigang ahedres na si Anatoly Karpov sa isang larong naging bahagi ng kasaysayan ng ahedres ng Pilipinas:[1]