Ertuğrul Osman

Si Ertuğrul Osman (ipinanganak bilang Ertuğrul Osman Efendi Hazretleri; Istanbul, 18 Agosto 1912 – Istanbul, 23 Setyembre 2009) ay isang dating Prinsipe ng Imperyong Otomano at ika-43 Ulo ng natanggal sa tronong dinastiyang Otomano (Kabahayang Osman) mula 1994 hanggang sa kanyang kamatayan. Siya ang pang-apat sa hanay upang mamuno nang mabuwag ang monarkiya noong 1923, at nang pumalit ang makabagong Republika ng Turkiya sa Dinastiyang Imperyal.[1] Itinuturing siya ng mga Turko bilang ang "huling Otomano".[1]

Buhay

Si Osma ang pinakabunsong anak na lalaki ni Prinsipe Mehmed Burhaneddin (1885 – 1949). Naglingkod ang kanyang ama bilang Kapitan ng Hukbong Katihan ng Otomano. Mula 1914 hanggang 1919, naging prinsipe pangkorona ng Albanya dahil sa kanyang pagkakakasal kay Aliye Melek Nazlıyar Hanım Efendi, anak na babae ni Huseyin Bey.

Noong 1924, habang nag-aaral sa Vienna, Austria, nakatanggap siya ng balitang mapapalayas ng bansa ang lahat ng kasapi ng mag-anak ng Sultan.[1] Hindi siya nagbalik sa kanyang tinubuang-lupang Turkiya hanggang sa dekada ng 1990, nang pumayag ang Pamahalaan ng Turkiyang pagkalooban siya ng pagkamamamayang Turko. Namuhay siya sa Estados Unidos magmula 1933, at nanirahan sa Lungsod ng Bagong York paglaon. Siya ang naging ika-45 Ulo ng Kabahayang Imperyal ng Osman noong 1994.

Walang karangyaan siya namuhay sa Bagong York pagkaraan ng 1945, na naninirahan sa isang apartamentong may dalawang silid-tulugan sa itaas ng isang bahay-kainan o restaurante.[1][2] Nagbalik siya sa Turkiya noong 1992, dahil sa paanyaya ng pamahalaan ng bansa.[1]. Nabigyan siya ng pasaporte at pagkamamayang Turko noong 2004.

Matatas siyang nakapagsasalita ng Turko, Ingles, Aleman, at Pranses, at nakakaunawa ng Italyano at Kastila.

Namatay si Ertuğrul Osman V sa edad na 97 noong 23 Setyembre 2009.[1][3][2] Ipinahayag ng Ministriya ng Kultura ng Turkiya ang sanhi ng kanyang kamatayan bilang sakit sa bato.[3] Pinatotohanan ito ng kanyang asawang nasa kanyang tabi nang bawian siya ng buhay.[4][2] Sumakabilang-buhay siya habang nasa isang ospital sa Istanbul.[1][3][2] Namalagi siya sa ospital sa loob ng isang linggo bago mamatay.[4]

Pag-aasawa

Dalawang ulit siyang nakipag-isang dibdib, una sa Lungsod ng Bagong York, Bagong York, noong 20 Enero 1947 kay Gulda Twerskoy Hanım Efendi (Johannesburg, Gauteng, 20 Marso 1915 - Lungsod ng Bagong York, Bagong York, 16 Setyembre 1985), na walang naging balakid. Napangasawa niya ang kanyang pangalawang asawang si Zeynep Tarzi Hanım Efendi (ipinanganak sa Istanbul noong 16 Disyembre 1940) sa Lungsod ng Bagong York, Bagong York noong 27 Setyembre 1991, na babaeng anak ni Abdulfettah Tarzi, pamangking babae ng dating Hari ng Apganistang si Amanullah Khan, at ni Pakize Tarzi, isang tagapanimulang Turkong hinekologong nagmula sa isang pamilyang may ninunong Otomano. Nagwakas ang huling pagkakakasal na ito dahil sa kanyang pagkamatay.

Mga sanggunina

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 "'Last Ottoman' dies in Istanbul". BBC. 2009-09-24. Nakuha noong 2009-09-24.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 http://www.nytimes.com/2006/03/26/realestate/26habi.html
  3. 3.0 3.1 3.2 "Head of the former Ottoman dynasty dies". AP. 2009-09-24. Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-03-23. Nakuha noong 2009-09-24.
  4. 4.0 4.1 Obituaries from the Zaman newspaper:

Mga kawing panlabas

Wikinews
Wikinews
May kaugnay na balita ang Wikinews tungkol sa artikulong ito:
Ertuğrul Osman
Kapanganakan: 18 Agosto 1912 Kamatayan: 23 Setyembre 2009
Mga Pamagat na Pinapanggap/Inaangkin
Sinundan:
Mehmed Orhan
— PANG-SEREMONYA —
Sultan ng Imperyong Otomano
Marso 12, 1994 – Setyembre 23, 2009
Dahilan ng hindi pag-angkin sa trono:
Binuwag ang Imperyo noong 1922
Susunod:
Bayezid Osman
— PANG-SEREMONYA —
Kalip ng Islam
Marso 12, 1994 – Setyembre 23, 2009
Dahilan ng hindi pag-angkin sa trono:
Binuwag ang Kalipado noong 1924