Ang Dominica (pagbigkas: do•mi•ní•kä; Pranses: Dominique; Island Carib: Wai‘tu kubuli), opisyal na tinatawag na Komonwelt ng Dominica, ay isang malayang pulong bansa. Ang kabesera, Roseau, ay matatagpuan sa gilid na leeward ng pulo. Ito ay bahagi ng mga pulong Windward sa kapuluang Lesser Antilles ng Dagat Caribbean. Ang pulo ay matatagpuan sa timog-timog-silangan ng Guadeloupe at sa hilagang-kanluran ng Martinique. Ito ay may lawak na 750 square kilometre (290 mi kuw) at ang pinakamataas na tuktok ay Morne Diablotins, sa may taas na 1,447 metro (4,747 tal)tamapakan). Ang populasyon ay 72,301 sa senso noong 2014.
Ang pulo ay orihinal na pinaninirahan ng mga Kalinago at kalaunan ay sinakop ng mga Europeo, karamihan nitó ay mga Pranses, na dumating sa pulo sa araw ng Linggo, 3 Nobyembre 1493 ("Linggo" = "Dominica" sa Latin). Pumalit sa kapangyarihan ang Gran Britanya noong 1763 matapos ang Pitong Taong Digmaan at unti-unting itinatag ang Ingles bílang opisyal na wika. Ang pulong republika ay nagkamit ng pagsasarili noong 1978.
Ang pangalan nito ay binibigkas nang may diin sa ikatlong pantig, kaugnay sa pangalang Pranses nitó na Dominique. Ang Dominica ay pinalayawang "Nature Isle of the Caribbean" dahil sa hindi pa nababahirang likás na kagandahan.[7] Ito ay pinakabatang pulo sa Lesser Antilles, na patuloy na binubuo ng mga aktibidad na geothermal-volcanic, na pinapatototo ng pangalawang-pinakamalaking hot spring sa mundo, ang Boiling Lake ("kumukulong lawa"). Ang pulo ay may luntiang mabundok na kagubatan, at tahanan ng maraming bihirang species ng halaman, hayop, at ibon. Mayroong lugar na xeric sa ilang bayabaying rehiyon sa kanluran, ngunit mabigat ang pag-ulan ang nangyayari sa loob ng bansa. Ang Sisserou parrot (isang uri ng loro), na kilala rin bilang imperial amazon at matatagpuan lámang sa Dominica, ay pambansang ibon at itinatampok sa pambansang bandila. Ang ekonomiya ay nakasalalay sa turismo at agrikultura.