Claude Dablon

Claude Dablon
Kapanganakan21 Enero 1618[1]
  • (canton of Dieppe-Ouest, arrondissement of Dieppe, Seine-Maritime, Normandy, Metropolitan France, Pransiya)
Kamatayan20 Setyembre 1697
MamamayanPransiya
TrabahoMisyonaryo, diyarista
Pirma

Si Claude Dablon[2] (ipinanganak noong Pebrero 1618 o 1619[2] - namatay noong 3 Mayo 1697) ay isang misyonerong Hesuwitang Pranses. Ipinanganak siya sa Dieppe, Pransiya. Nagpunta siya sa Kanadang Pranses noong 1655 at nakihalubilo sa mga gawain ng mga Indyo sa New York at sa pook sa Baybaying Hudson (Ingles: Hudson Bay) mula 1655 hanggang 1670. Bilang Superyor ng mga misyon mula 1671 hanggang 1680 at mula 1686 hanggang 1693, pinamahalaan niya ang pagpapalaganap ng misyonaryo ng mga Hesuwita at mga gawain pang-eksplorasyon.[2]

Talambuhay

Sa gulang na dalawampu't isa, sumali siya sa Lipunan ni Hesus, at makaraan ang kaniyang mga kurso sa pag-aaral at pagtuturo sa Pransiya, dumating siya sa Kanada noong 1655. Daglian siyang sinugo, kasama ni Padre Pierre-Joseph-Marie Chaumonot upang simulan ang isang mahalagang misyon sa pakikihalubilo sa mga Indyong Iroquois at Onondaga. Nagbibigay ng masinsinang paglalahad ng mga nakagigimbal na mga kalagayan sa paglalakbay ang kaniyang personal na talaan hinggil sa kaniyang biyahe at ng kaniyang pagbabalik sa Quebec noong sumunod na taon.

Noong 1661, sinamahan niya si Padre Gabriel Druillettes, ang Alagad ng Maine, sa isang ekspedisyong panglupain patungo sa Baybaying Hudson, na may layuning magtatag ng mga misyon sa piling ng mga Unang Nasyon o Mga Katutubong Amerikano sa rehiyon at maaaring para makatuklas ng lagusan sa pamamagitan ng Baybaying Hudson patungong Dagat Tsina. Hindi naging matagumpay ang ekspedisyon at naitala lamang bilang isang ibang pagsubok sa paghanap sa tanyag na Daanang Hilaga-Kanluran (tinatawag na Northwest Passage sa Ingles). Noong 1668, nasa Lawang Superyor si Dablon kasama nina Claude-Jean Allouez at Jacques Marquette. Tinawag sila ni Bancroft bilang ang mga "ilustrosong triyumbirata"[3] ("katatluhang marilag" o "ang tatlong magigiting"). Si Dablon ang unang naglahad sa mundo hinggil sa mayamang minahan ng mga kupre sa rehiyong iyon, na naging mahalaga sa pangkabuhayan ng Kanada sa paglaon. Si Dablon ang nagtalaga kay Marquette para isagawa ang isang ekspedisyon na nagresulta sa pagkakatuklas ng Nakatataas na Ilog Mississippi; si Dablon rin ang nagbigay kay Marquette ng mga liham at mga karta (mga mapa) sa mundo. Kaugnay ng pagkakatuklas na ito, tinawag niya ang pansin ng pagiging posible ng pagdaan mula Lawang Erie patungong Florida "sa paggawa ng kanal sa pamamagitan lamang ng kalahating liga (sukat) ng parang na daraan mula sa huli ng Lawa ng Illinois (Lawang Michigan) magpahanggang sa Ilog ng San Luis (Ilog ng St. Louis o Ilog Illinois)". Ginawa ang lawang ito, na tinantiya ni Dablon, noong mga 1840 bilang Kanal ng Illinois at Michigan.

Pagkatapos na itatag ang Sault Ste. Marie, naging Superyor Heneral si Dablon ng lahat ng mga misyon sa Kanada noong 1670. Naglingkod siya sa tungkulin at tanggapang ito hanggang 1680. Muli siyang itinalaga sa tungkuling ito noong 1686 at nanatiling Superyor hanggang 1693. Mahalaga ang kaniyang mga ambag sa "Mga Relasyon" o "Mga Pakikipag-ugnayan" sa kasaysayan dahil sa kaniyang mga paglalarawan ng mga pook at mga mamamayan, maging ang kaniyang mga paglalahad ng mga pangyayari.

Mga sanggunian

Talababa

  1. http://data.bnf.fr/ark:/12148/cb145908479; hinango: 10 Oktubre 2015.
  2. 2.0 2.1 2.2 "Dablon, Claude". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.
  3. Literal na salin ng illustrious triumvirate

Bibliyograpiya