Ang Black Lives Matter (BLM, lit. na
'Mahalaga ang Buhay ng [Lahing] Itim') ay isang desentralisadong kilusang pampulitika at panlipunan na naglalayong itampok ang diskriminasyon ng lahi, at hindi pagkakapantay-pantay ng lahi na nararanasan ng mga taong may lahing itim. Kapag nagsasama-sama ang mga tagasuporta ng kilusang ito, ginagawa nila ito bilang protesta laban sa mga insidente ng brutalidad ng pulisya at karahasang udyok laban sa mga taong may lahing itim.[1][2][3][4][5] Nagsimula ito kasunod ng pagpatay kina Trayvon Martin, Michael Brown, Eric Garner, Pamela Turner at Rekia Boyd, bukod sa iba pa. Tipikal na tinataguyod ng kilusan at mga kaugnay na mga organisasyon nito ang iba't ibang pagbabago sa polisiya na tinuturing may kaugnayan sa pagpapalaya sa mga taong may lahing itim.[6] Habang may mga tukoy na samahan tulad ng Black Lives Matter Global Network na tinatakan ang sarili bilang "Black Lives Matter", ang kilusang Black Lives Matter ay binubuo ng isang malawak na hanay ng mga tao at mga organisasyon. Nananatili ang slogan o sawikain na "Black Lives Matter" mismo na hindi nakatatak-pangkalakal ng anumang pangkat.[7]
Nagsimula ang kilusan noong Hulyo July 2013, gamit ang hashtag na #BlackLivesMatter sa social media pagkatapos ng pagpapawalang-sala kay George Zimmerman sa pamamaril na nagdulot sa kamatayan ng tinedyer na Aprikano-Amerikanong si Trayvon Martin na 17 taong mas maaga noong Pebrero 2012. Nakilala sa buong bansa ang kilusan para sa mga demonstrasyon sa kalye kasunod ng pagkamatay ng dalawang Aprikano-Amerikano noong 2014, na sina Michael Brown—na nagresulta sa mga protesta at gulo sa Ferguson, Missouri, isang lungsod malapit sa St. Louis—at Eric Garner sa Lungsod ng New York.[8][9] Simula noong mga protesta sa Ferguson, nagdemonstrasyon ang mga kalahok ng kilusan laban sa mga kamatayan ng maraming ibang Aprikano-Amerikano mula sa mga aksyon ng pulis o habang nasa kustodiya ng pulis. Noong tag-init ng 2015, napabilang ang mga aktibista ng Black Lives Matter sa halalang pampanguluhan ng Estados Unidos noong 2016.[10] Ang nagsimula ng hashtag at tawag para umaksyon, sina Alicia Garza, Patrisse Cullors, at Opal Tometi, ay pinalawak ang kanilang proyekto sa isang pambansang network ng higit sa 300 lokal na sangay sa pagitan ng 2014 at 2016.[11]
Nagbalik sa ulo ng balita ang kilusan at nakamit ang karagdagang internasyunal na atensyon noong pandaigdigang mga protesta kaugnay sa pagpatay kay George Floyd ng isang pulis sa Minneapolis na si Derek Chauvin.[12][13] Tinatayang nasa 15 milyon hanggang 26 milyon tao ang lumahok sa protestang Black Lives Matter noong 2020 sa Estados Unidos, na ginagawang isa sa pinakamalaking kilusan sa kasaysayan ng bansa.[14] Binubuo ito ng maraming pananaw at malawak na hanay na mga hiling subalit nakasentro sa pagbabago sa katarungang pangkrimen.
↑Banks, Chloe (Nobyembre 2, 2018). "Disciplining Black activism: post-racial rhetoric, public memory and decorum in news media framing of the Black Lives Matter movement". Continuum (sa wikang Ingles). 32 (6): 709–720. doi:10.1080/10304312.2018.1525920. ISSN1030-4312. S2CID150199510.
↑Rojas, Fabio (Hunyo 20, 2020). "Moving beyond the rhetoric: a comment on Szetela's critique of the Black Lives Matter movement". Ethnic and Racial Studies (sa wikang Ingles). 43 (8): 1407–1413. doi:10.1080/01419870.2020.1718725. ISSN0141-9870. S2CID213636514.