Ang Birhen ng Banal na Rosaryo o Ina ng Banal na Rosaryo ay ang titulo ng Birheng Maria na may kaugnayan sa rosaryo; na ayon sa tradisyon ng Simbahang Katoliko ay ibinigay at itinuro ng Birheng Maria ang pagdarasal nito kay Santo Domingo de Guzman, nang siya'y sinabing nagpakita rito noong 1208 sa simbahan ng Prouille sa Pransiya.[1]
Naging matagumpay ang pagbabalik-loob ng mga heretikong mga Albigense nang gamitin ni Santo Domingo ang rosaryo na ibinigay sa kanya ng Birheng Maria. Dahil dito hinikayat din niya ang krusada na pinamumunuan ni Simon de Monfort, na noong 1213 ay nakikipaglaban naman sa puwersang militar ng mga Albigense sa Muret. Nagwagi ang Katolikong puwersa sa nasabing labanan. Sa kanilang palagay ang kanilang pagkapanalo ay mahimala at ito'y idinulot ng kanilang pagdarasal ng rosaryo. Bilang pasasalamat, ipinatayo ni de Monfort sa Muret ang unang dambanang ihinandog sa Birhen ng Santo Rosaryo.[1]