Isa ang Bilogo (opisyal na Barangay Bilogo o Brgy. Bilogo) sa 105 barangay na bumubuo sa Lungsod ng Batangas, Pilipinas.[3] Ito'y isang pamayanang rural na matatagpuan sa silangan ng lungsod at may layong 20 minuto at 13 kilometro mula sa Poblacion.[4][5] Nahahati sa pitong purok ang barangay at mayroon itong tatlong sitio: Bagong Pook, Callejon o Ilaya, at Santolan.[1]
Etimolohiya
Ayon sa isang lumang alamat, nagmula ang Bilogo sa bayugo, ang salitang Tagalog para sa "bunga ng puno ng gugo" na dati'y sagana sa pamayanan. Nang lumaon, ang bayugo ay naging biyugo hanggang sa tinawag na itong Bilogo.[6]
Kasaysayan
Mula pa noong 1870 ay isa na ang Bilogo sa pinakamatatandang barangay ng Lungsod ng Batangas.[7] Pag-aari ang Brgy. Bilogo ng isang mayamang opisyal na Espanyol na nakapangasawa ng isa sa mga katutubong naninirahan dito. Marami pang nangyari na pag-aasawahan ng mga dayuhan at lokal na residente at ang populasyon ay unti-unting lumaki. Makalipas ang ilang taon, ang Bilogo ay naging isang sitio at isinama sa Sitio Maapas; mula noon ay nakilala itong Bilogo Maapas. Kalaunan, humiwalay sa isa't isa ang Bilogo at Maapas at naging mga nagsasariling barangay.[6]
Isa sina Quintin Manalo at Fortunato Sulit sa mga kauna-unahang teniente del barrio o kapitan ng barangay na naglingkod sa Bilogo. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sinunog ng mga sundalong Hapon ang mga bahay nina Eleuterio Canent, Hilarion Lontoc, Pedro Ramos, at Francisco Rosales sa pag-aakalang pinaslang sa Brgy. Bilogo ang isa sa kanilang mga opisyal. Taong 1960 sa panunungkulan ni Victor Castillo nang ipinatayo ang isang pampublikong paaralang pang-elementarya sa pangangasiwa ng pamahalaan.[6] Sa loob ng tatlong sunod-sunod na taon (1998-2000) sa panunungkulan ni Angel I. Umali, kinilala ang Bilogo bilang "pinakamalinis at pinakamalusog na barangay sa Lungsod ng Batangas" at maging sa buong Calabarzon.[8] Pagkatapos ni Umali, sunod namang nahalal na kapitan ng barangay si Alfredo I. Villanueva.[9] Noong kanyang panunungkulan, may isinagawang mga pagpapabuti sa sistema ng patubig at itinayo ang pasilidad sa pagrekober ng materyales o materials recovery facility upang panatilihin ang wastong pagbubukod ng mga basura.[10][11] Noong 2007, hinalinhinan si Villanueva ni Ramil D. Manalo.[5] Sinundan siya ni Jaime I. Villena na nanungkulan nang tatlong termino matapos manalo sa mga halalang pambarangay ng 2010, 2013, at 2018.[12][13]
Sa kasalukuyan, si Zyril B. Manalo ang nanunungkulang kapitan ng barangay matapos magwagi sa pinakahuling halalan noong 2023.[1] Sa kanyang pangunguna, sinimulan ng pamunuan ng barangay ang pamamahagi ng cake sa sinumang nakatatandang mamamayan o senior citizen ng Bilogo na nagdiriwang ng kanilang ika-80 kaarawan o higit pa. [14] Naglunsad din ang kanyang pamunuan ng kauna-unahang kasalang barangay para sa 16 na pares ng mga residente nito na matagal nang nagsasama.[15]
Heograpiya at demograpiya
Matatagpuan ang Brgy. Bilogo sa hilaga ng Brgy. Talumpok Kanluran; sa kanluran ng Brgy. San Jose Sico; sa silangan ng Brgy. Paharang Silangan; at sa timog ng Brgy. Maapas.[1] Sagana sa barangay ang mga gubat, sapa, mababang burol, punong namumunga ng prutas, at pananim. Ang mga kabahayan at pook pangkomersyo ay kadalasang matatagpuan sa kahabaan ng mga pangunahin at di-pangunahing kalsada.[16] Karamihan naman sa mga residente ng barangay ay mga Katoliko.[6]
Imprastruktura at utilidad
Meralco ang nagsusuplay ng kuryente sa Brgy. Bilogo samantalang ang komunikasyong pantelepono at ang koneksyon sa Internet ay iginagarantiya ng Globe Telecom at PLDT.[17][18] Sa kabilang banda, ang suplay ng tubig ay pinangangasiwaan ng isang lokal na patubig at programang pangkalinisan.[19] Isa ang Bilogo sa mga barangay ng Lungsod ng Batangas na may mga bukal na nakapaglalabas ng sapat na tubig para sa mga residente nito.[5]
Ang barangay ay may isang pampublikong pang-elementaryang paaralan na ipinatayo noong 1960, isang day care center para sa maliliit na bata, at isang kooperatiba na nagtitinda ng iba't ibang produkto.[5] Bukod sa pagtatanim at paghahayupan ay may ilan ding establisimyentong pang-industriya at panturismo na itinayo sa barangay tulad ng Ortemer Enterprises Hardware and Construction Supply, Unija Hija Enterprises, at Estancia Loyola.[20] Kaugnay nito, noong Marso 2010 ay kinilala ng UP Planning and Development Research Foundation, Inc. ang Brgy. Bilogo bilang isa sa siyam na "koridor ng paglago" o growth corridor ng Lungsod ng Batangas.[21]
↑Official Pupils Publication of Bilogo Elementary School (2005). "Bilogo". BES Herald (sa wikang Ingles). Bol. 15, blg. 1. Lungsod ng Batangas, Pilipinas. p. 11.
↑ 5.05.15.25.35.4Godoy, Januario B. (2009). Batangas City Socio-Economic, Physical, & Political Profile (CY 2009) (Ulat) (sa wikang Ingles). Lungsod ng Batangas, Pilipinas: City Planning and Development Office. pp. 5, 15, 32, 50, 135, 266.
↑ 6.06.16.26.36.4Bilogo Barrio School (Ulat) (sa wikang Ingles). Lungsod ng Batangas, Pilipinas: Batangas City Public Library and Information Center. pp. 14, 15, 36.
↑"Parine na't Magsaya sa Lungsod ng Batangas" (pamphlet). Lungsod ng Batangas, Pilipinas: City Investment and Tourism Office. 2006. {{cite journal}}: Cite journal requires |journal= (tulong)
↑ 8.08.1Official Pupils Publication of Bilogo Elementary School (1998). "Barangay Bilogo: The Most Cleanest and Healthiest Barangay in Region 4". BES Herald (sa wikang Ingles). Bol. 8, blg. 1. Lungsod ng Batangas, Pilipinas. p. 1.
↑ 9.09.1"Association of Barangay Councils". Batangas City Profile (sa wikang Ingles). Lungsod ng Batangas, Pilipinas: Local Government of Batangas City. 1999. p. 13.
↑Official Pupils Publication of Bilogo Elementary School (2006). "Barangay Bilogo boast new waterworks". BES Herald (sa wikang Ingles). Bol. 16, blg. 1. Lungsod ng Batangas, Pilipinas. p. 1.
↑Official Pupils Publication of Bilogo Elementary School (2006). "MRF rises at Barangay Bilogo". BES Herald (sa wikang Ingles). Bol. 16, blg. 1. Lungsod ng Batangas, Pilipinas. p. 1.
↑ 12.012.1Godoy, Januario B. (2013). Batangas City: Supplemental No. 1 Annual Investment Program FY 2013 (Ulat) (sa wikang Ingles). Lungsod ng Batangas, Pilipinas: City Planning and Development Office. p. 2.
↑ 13.013.1Godoy, Gilda L. (2021). Batangas City: Socio-Economic, Physical, and Political Profile (Ulat) (sa wikang Ingles). Lungsod ng Batangas, Pilipinas: City Planning and Development Office. p. 266.
↑List of Registered Business Establishments in Batangas City (Ulat) (sa wikang Ingles). Lungsod ng Batangas, Pilipinas: Research, Evaluation & Statistics Division (RESD) at City Planning & Development Office. 2016. pp. 51, 270.
↑UP Planning and Development Research Foundation, Inc. (2010). "Comprehensive Land Use for Batangas City (2009-2018)". Approved Batangas City 10-Year Comprehensive Development Plan, and Land Use for 2009-2018 (Ulat) (sa wikang Ingles). Lungsod ng Quezon, Pilipinas.