Ang batayang batas ng termodinamika ay nagsasaad na kung mayroong dalawang sistemang termodinamika na kapwa kaekilibriyong termal ang isa pang sistema, masasabing ang naunang dalawa ay magkaekilibriyong termal din.
Sinasabing magkaekilibriyong termal ang dalawang sistema kung ang dalawang ito ay pinagdurugtong ng isang harang kung saan tanging init lamang ang nakatatagos, at kung ang mga pisikal na katangian ng dalawang ito ay hindi nagbabago sa paglipas ng panahon. Kung minsan ay sinasabing magkaekilibriyong termal din ang dalawang sistema kahit pa walang nagdurugtong sa dalawa nang sa gayon ay makadaloy ang init mula sa isa patungo sa isa, sa kondisyong hindi magkakagayon kahit pa pagdugtungin ang dalawa gamit ang isang harang kung saan tanging init lamang ang nakatatagos.
Ipagpalagay mong mayroong n na mga sistema. Kung ang unang sistema ay kaekilibriyong termal ang ikalawang sistema, na kaekilibriyong termal naman ang ikatlong sistema, at gayon na nga hanggang sa makarating sa ika-(n-1) na sistema na kaekilibriyong termal naman ang ika-n na sistema, masasabing ang lahat ng mga sistemang ito ay makakaekilibriyong termal.
Ang kahulugan ng batas na ito sa pisika ay winika ni Maxwell gamit ang mga katagang: All heat is of the same kind. (Iisang uri lamang ang lahat ng klase ng init.) Dahil dito, ang isa pang maaaring pagwiwika sa batas na ito ay: “Makakatumbas ang lahat ng mga harang kung saan tanging init lamang ang nakatatagos.”
Ang batas na ito ay importante upang mabuo ang matematikong pormulasyon ng termodaynamiks, kung saan kinakailangang igiit na ang mga relasyong ekilibriyong termal ay magkakatumbas. Ang kaalamang ito ay kinakailangan upang makabuo ng isang matematikong depinisyon ng temperatura na naipaliliwanag kung bakit gumagana ang mga termometro sa pagsukat ng temperatura.