Ang basketbol ay ang pinakatanyag na isport sa Pilipinas, na nilalaro sa parehong propesyonal at di-propesyonal na antas.
Kasaysayan
Ipinakilala ang basketbol sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa pagpapakilala ng mga gurong Amerikano na nagtuturo ng palakasan kasama ang basketbol sa pamamagitan ng YMCA at ang sistema ng paaralan.[1] Unang ipinakilala ang basketbol sa sistema ng pampublikong paaralan sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga Amerikano bilang isang palakasan ng mga kababaihan noong 1911 hanggang 1913. Nagkaroon ng pagtutol sa mga konserbatibong pangkat, partikular ang Simbahang Katoliko, ang basketbol para sa kababaihan dahil nakikitang nilang hindi naangkop ang kasuotang bloomer sa kanila. Noong pinahintulutan na isuot ang palda sa ibabaw ng bloomer bilang isang kompromiso, nanghina na ang basketbol para sa kababaihan at nilalaro lamang sa panlalawigan at lokal na interiskolastikong labanan. Mas ginusto ng mga kababaihan sa Pilipinas ang panloob na sopbol at gayon din ang balibol.[2]