Ang asidong asetiko o asidong etanoiko (Kastila: ácido acético, ácido etanoico, Aleman: Essigsäure, Ingles: acetic acid, ethanoic acid) ay isang mahalagang sangkap ng suka. Ang asidong asetiko na nasa suka ay isang malabnaw at tila hindi purong solusyon o timplada na may kahalong tubig. Ang asidong ito ay nabubuo mula sa alkohol sa pamamagitan ng gawain ng partikular na bakterya. Ang prosesong ito ay nakikilala bilang permentasyong asetiko.[9]
Mga paggamit
Ang tinatawag na glacial (malamig at nagyelo) na asidong asetiko ay gumaganap bilang "pamaso" (caustic) at maaaring gamitin para sa pagtanggal ng mga kulugo. Inilalapat ito sa kulugo sa pamamagitan ng tubo ng salamin o habang nasa ibabaw ng isang maliit na sipilyo, o kaya sa pamamagitan ng maliit na piraso ng lanang bulak na nakarolyo sa dulo ng isang palito ng posporo. [10] Iniingatan na huwag masagi o tumulo sa nakapaligid na balat ang asidong asetiko sapagkat makapagdurulot ito ng iritasyon at hapdi. Upang maiwasan ito, karaniwang nilalagyan ng vaseline ang balat na nakapalibot sa kulugo. Inilalapat ang asidong asetiko araw-araw. Kapag nagkaroon ng pamumula at kirot, dapat na itigil ang paggamit nito hanggang sa mawala ang mga tanda ng iritasyon, bago muling ipagpatuloy ang paggagamot.[9]
Kapag hindi sinasadyang makainom ang isang tao ng asidong asetiko na glasyal (glacial), ang ginagamit na pangremedyo o antidote na panlaban sa hapding nakasusunog sa bibig, lalamunan, at tiyan ay ang kaagad na pagpapainom ng yeso na hinalo sa tubig. Pagdaka ay susundan ng puti ng itlog, langis ng oliba, o iba pang demulcent ("pampakalma"). Kung minsan, ang asidong asetiko o suka ay iniinom ng mga babaeng nasa kanilang kabataan dahil paniniwalang makakabawas ito ng katabaan. Tumatalab ito kung minsan, subalit kapalit ng pagsasakripisyo ng dihestiyon o panunaw at ng mabuting kalusugan, kung kaya't masasabing mali ang gawaing ito.[9]
Ang sukang pambanyo ay binubuo ng purong asidong asetiko na hinaluan ng mga pabango. Isa o dalawang mga kutsarita ang hinahalo sa tubig kapag naghuhugas, na nakakapagdulot ng epektong astringent o "nakahihilod" ng ibabaw ng balat. Ang malabnaw na asidong asetiko ay 5 bahagdang solusyon ng matapang na asido. Mainam itong panlunas para sa pagkalason dahil sa malalakas na mga alkali, katulad ng caustic potash o soda, sodang panghugas, o matapang na ammonia. Dalawa o tatlong kutsara na nasa kaunting tubig ang ibinibigay. Idinaragdag ito sa malamig o maligamgam na tubig kapag pinupunasan ng bimpo ang isang pasyente upang makapagdulot ng maginhawang pakiramdam, at makatanggal ng init o pangangati. Para sa ganitong layunin, karaniwang hinahalo ang dalawang kutsarita ng malabnaw na asidong asetiko sa isang pinta (pint) ng tubig. Maaaring ipalit sa malabnaw na asidong asetiko ang suka.[9]
Ang asidong asetiko ay ginagamit bilang isang solvent o "panunaw" upang mabuo ang aceta o mga suka, katulad ng suka ng mga halamang squill at ng mga cantharide.[9]
Mga sanggunian
↑Scientific literature reviews on generally recognised as safe (GRAS) food ingredients. National Technical Information Service. 1974. p. 1.
↑ 9.09.19.29.39.4Robinson, Victor, Ph.C., M.D. (patnugot). (1939). "Acetic acid". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York)., pahina 10.
↑Ángel Rodríguez-Cardona (2022). Física y Química 1.º Bachillerato. McGraw-Hill Interamericana de España S.L. ISBN8-448-63141-2.