Ang animasyon (mula sa kastilaanimación) ay ang pagmamanipula sa mga larawan o pigura para pagmukhain na gumagalaw ang mga ito. Isa itong ilusyong optikal. Tradisyonal itong iginuguhit sa isang cel, ngunit ginagawa na ngayon ito sa papel at ini-scan (malimit na proseso sa mga anime), o di kaya'y ginagawa nang direkta sa mga kompyuter. Ginagamit rin ang mga pigurang gawa sa luwad, manika o papet, at maging ng mga ginupit na papel.
Nakakamit ang epekto ng "paggalaw" sa mga animasyon dahil sa mabilisang paglilipat ng mga larawang may kaunting pagkakaiba sa isa't isa. Ang ilusyong ito, na kagaya rin ng nakikita sa mga pelikula, ay pinaniniwalaang dahil sa mga penomenang phi at paggalaw beta, ngunit hindi sigurado ang mga eksperto kung ito nga ba ang dahilan kung nagkakaroon ng ganitong ilusyon. Gayunpaman, ang ilusyong ito ang ginamit ng mga de-makinang midyang pang-animasyon noong ika-19 na siglo, tulad ng zoetrope at flipbook.