Ang "Amnesia" ay isang awiting nirekord ng bandang Australyano na 5 Seconds of Summer, na kinuha mula sa kanilang paunang album na sunod sa kanilang pangalan (self-titled debut album) na 5 Seconds of Summer (2014). Inanunsiyo ang awitin bilang kanilang bagong isahang awit (single) noong nagsagawa ang banda ng isang live stream noong 1 Hulyo 2014, at inilabas sa mga patok na kontemporaryong radyo sa Amerika bilang kanilang ikatlong isahang awit mula sa album noong 15 Hulyo 2014.[1]
Bidyo-awit
Isang bidyo-letra (lyric video) ang binuo para sa awitin. Kinunan sa Los Angeles, ipinaskil ito sa opisyal na VEVO YouTube channel ng banda noong 2 Hulyo 2014 nang hatinggabi, matapos ang kanilang live stream. Ang bidyo, na nasa itim at puti, ay nakatuon sa isang silid-tulugan, bagama't sa ilang mga tagpo ay lumitaw ang mga miyembro ng banda na kinunan nang malapitán (close up). Sa kabuuan ng bidyo, ang mga letra ay nakatutok sa silid o sa mga mukha ng mga kasapi.[2]
Isa ring bidyo-awit ang binuo, kung saan ang mga miyembro ng banda at ilang mga babae't lalaki ay naglalaro sa sari-saring mga eksena, halimbawa'y sumisisid sa pool na nakasuot ng damit, naglalaro ng golf sa kotse, atbp. Mayroon ding maraming mga malapitáng kuha ng mga miyembro habang inaawit ang ilan sa mga letra ng kanta sa kabuuan ng bidyo. Tatlo lamang ang babae sa bidyo dahil nakikita nila ang nanonood/mga tagahanga bilang pang-apat na babae. Ang bidyo ay kinunan mula sa pananaw ng pang-apat na babae.[3]