Tungkol ito sa isang halaman. Huwag itong ikalito sa alkimiya.
Ang alkemilya o Alchemilla ay isang sari ng mga yerba halamang perenyal na nasa Rosaceae, at isang bantog na halamang-damong may karaniwang tawag na Lady's mantle sa Ingles, ang lambong ng babae ("kapa ng binibini" o "mantilya ng ginang"). Mayroon itong mga 300 na uri, katutubo ang karamihan sa mga malalamig at sub-artikong rehiyon ng Europa at Asya, ngunit may ilang uri ring likas sa mga bulubundukin ng Aprika, Hilagang Amerika, at Timog Amerika. Karamihan sa mga uri nito ang bumubuo ng mga kumpol na may mga dahong sumisibol sa mga makakahoy na bahagi. May ilang uring may mga dahong may lobo na yumayabong mula sa isang pook o tuldok na pinagmumulan. May ilan namang mga uring nagkakaroon ng mga tila pamaypay na mga dahong may mga maliliit na ngipin sa mga dulo. Kalimitan nababalutan ng mga malalambot na mga buhok ang mga dahong abuhing-lunti o lunti lamang na humahawak ng mga patak ng tubig sa ibabaw at sa kahabaan ng mga tagiliran. Maliliit ang mga bulaklak nitong walang talulot at nagkukumpul-kumpol tuwing tag-sibol at tag-init.[5]