Ang Air Defense Identification Zone (ADIZ) ay ang himpapawirin sa ibabaw ng kalupaan at katubigan kung saan ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at kontrol ng isang sibilyang aircraft ay kinakailangan sa interes ng pambansang seguridad.[1] Higit ang lawak nito sa himpapawiring sakop ng isang bansa upang bigyan ng karagdagang panahon ang isang bansa na makatugon kung saka-sakaling sa dayuhang kalaban ang isang aircraft.[2] Ang kapangyarihang magtatag ng ADIZ ay hindi iginagawad ng isang pandaigdigang tratado o ipinagpapabawal ng pandaigdigang batas, at walang pandaigdigang lupon ang namamahala nito.[2][3]
Itinatag ng Estados Unidos ang unang ADIZ pagkatapos na pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Makaraan ang naganap na insidente noong Setyembre 11, 2001, kung saan ginamit ang komersiyal na sibilyang aircraft upang makapangwasak nang malawakan, nakita ang kahalagahan ng ADIZ bilang isang pamamaraan upang maghanda o makontrol ang isang dayuhang aircraft sa pagpasok sa kanilang teritoryo. Sa ngayon, may 20 bansa at rehiyon na ang may naturang sona, ang Canada, India,[4]Hapon, Pakistan, Norway at United Kingdom, Republikang Bayan ng Tsina, Timog Korea, Taiwan, Estados Unidos, Sweden, Iceland at iba pa. Ang Rusya at Hilagang Korea ay may mga kani-kanila ring di-opisyal na ADIZ.[1][2][5] Karaniwang sinasakop lamang ng mga naturang sona ang mga di-pinagtatalunang teritoryo, hindi rin nito sinasaklaw ang mga dayuhang aircraft na walang balak na pumasok sa himpapawiring nasasakupan ng isang bansa, at hindi rin ito nagsasapawan.[3][6]
Hindi dapat ikalito ang Air defense zones sa mga Flight Information Region (FIR) na ginagamit upang pangasiwaan ang trapiko sa himapapawid.[1] Iba ang FIR sa kadahilanan na ito ay ang mga itinatag na lugar upang mapadali ang trapiko sa himpapawid at upang pangasiwaan din ito.[7]